Ni: Tara Yap
ILOILO CITY – Aksidenteng napatay ng isang pulis sa Iloilo City ang kanyang stepbrother matapos silang mag-agawan sa baril sa bayan ng Leganes, nitong Sabado ng hapon.
Sa spot report mula sa Police Regional Office (PRO)-6, kinilala ang pulis na si PO2 Joel Poblacion Aguirre, 38, na nakatalaga sa himpilan ng Iloilo City Police Office (ICPO) sa Mandurriao.
Batay sa imbestigasyon, nagsadya sa bayan ng Leganes si Aguirre makaraan siyang tawagan ng kanyang ina upang awatin ang stepbrother niyang si Kenneth Montano, na sa pagwawala ay naging marahas na sa kanilang ina at sa isa pa nilang kapatid.
Dumiretso si Aguirre sa kuwarto ng kapatid at tinangkang payapain ito, ngunit umabot sa puntong nag-agawan ang magkapatid sa baril hanggang pumutok ito at matamaan si Montano.
Kusa namang sumuko si Aguirre sa presinto, at isinuko maging ang kanyang service firearm.