Ni: Fer Taboy
Sinampahan ng kasong pagpatay ang isang 21-anyos na lalaki makaraan niyang mapatay ang nakatatanda niyang kapatid nang paghahatawin niya ito ng batuta sa Barangay Tupol Oeste sa Cabatuan, Iloilo, kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Wilfredo Robles, 39, na napatay umano ng kapatid na si Remuel Robles, 21, kapwa residente ng Bgy. Tupol sa Cabatuan.
Ayon kay PO3 Ramon Baylon, imbestigador ng Cabatuan Municipal Police, lasing na umuwi si Wilfredo at tinangka umanong saksakin si Remuel na noon ay mahimbing nang natutulog.
Naalimpungatan at nakakuha si Remuel ng bakal na batuta upang idepensa ang sarili.
Sa puntong ito, muli umanong tinangka ng biktima na saksakin ang suspek, ngunit nakatakbo palabas ng bahay ang nakababatang Robles bitbit ang batuta.
Naghabulan ang magkapatid hanggang sa makorner ni Wilfredo si Remuel, kaya pinaghahampas ng huli sa ulo ang nakatatandaang kapatid, na agad na nasawi.
Sumuko sa pulisya ang suspek, na kinasuhan ng parricide.