Nina MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA
Bumuo ang Las Piñas Police ng “Special Investigation Task Group (SITG) Rivera” upang mapabilis ang paglutas sa kaso ng pagpatay kay Pasay councilor Borbie Rivera sa paradahan ng SM Southmall, kamakalawa ng gabi.
Gayunman, aminado si Senior Superintendent Marion Balonglong, hepe ng Las Piñas Police, na ang imbestigasyon ng six-man special team ay nahahadlangan ng “kakulangan ng ebidensiya,” simula sa kopya ng closed-circuit television (CCTV) footages mula sa nasabing mall na nakatakdang ilabas.
“Doon talaga kami magsisimula dapat kaya lang hindi pa ma-release, eh. Maganda sana makita natin ‘yung sequence kumbaga dahil doon natin masisilip ‘yung pagdating ng mga suspek hanggang sa pagtakas. Eh, ang kaso nag-rerely kami sa dalawang hawak namin na conflicting din ang mga statements,” sinabi kahapon ni Balonglong sa Balita.
Ang dalawang on-duty na guwardiya ng mall ang tinutukoy ni Balonglong, na kapwa hindi pinangalanan, na kanilang kinapanayam.
“Medyo malabo ang ano (statements) nila, eh. Sinasabi nila na naka-sasakyan daw ‘yung mga suspek, eh sasakyan naman ng biktima ang tinutukoy nila,” paliwanag niya.
Base sa inisyal na imbestigasyon, binaril si Rivera ng riding-in-tandem habang papalabas ng Door 4 ng mall at patungong paradahan, dakong 8:30 ng gabi.
Sinabi rin ni Balonglong na nakatakdang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Rivera.
“Medyo uncooperative sila eh, ayaw pakausap. Naiintindihan naman natin na baka nagluluksa o ‘di pa matanggap so siguro in time,” aniya.
Inaalam na rin ng awtoridad ang motibo sa pagpatay sa konsehal, sinabing maaaring may kinalaman ito sa trabaho.
“Wala pang malinaw talaga, eh. Pero kino-consider natin na baka related sa work dahil president din ng Liga sa Pasay ‘yan, eh. That’s why mahalaga statements ng pamilya,” sambit ni Balonglong.
Sinabi ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. na tinitingnan din nila ang record ni Rivera dahil ito ay nakulong noong 2015 sa Makati.
“We are checking. We are also checking his previous records and the reason of detention some two to three years ago in Makati City Jail,” aniya.
Kinasuhan at inaresto si Rivera noong Abril 2015 dahil sa shooting incident noong Enero 24, 2015 na ikinamatay ng isang Mark Felizardo Baggang ng Barangay Pio del Pilar, Makati. Siya ay pinalaya.
KAUGNAYAN SA PASTOR SLAY AALAMIN
Iimbestigahan din ng SPD ang pagkakasangkot ni Rivera sa pagpatay kay race car driver Enzo Pastor noong 2014.
Sa isang panayam, inamin ni Apolinario na wala pa silang basehan sa pagsangkot kay Rivera sa pagpatay kay Pastor ngunit idinagdag na kanilang “definitely include it in our in-depth investigation.”
“Wala pa kaming sound basis to prove that ano but as part of the on-going investigation, definitely we will look into that angle din, in our in-depth investigation,” ani Apolinario.