Ni: Light A. Nolasco

GAPAN CITY, Nueva Ecija - Nalimas ang mga gamit, pera at alahas ng isang seaman makaraang pasukin at pagnakawan ng anim na hindi kilalang armado ang bahay nito sa Green Wood Subdivision sa Barangay Bayanihan sa Gapan City, Nueva Ecija, nitong Huwebes ng hatinggabi.

Kinilala ng Gapan City Police ang biktima ng robbery na si Arnel Lopez y Gayapa, 40, seaman, na personal na ini-report sa pulisya ang insidente.

Dakong 12:30 ng hatinggabi nang pasukin ng mga salarin ang bahay ni Lopez at tinutukan ng baril ang huli at asawa nitong si Marivel Lopez, bago inutusang ilabas ang pera, mga alahas, at mga mamahaling gamit.

Probinsya

Toy gun lang? Lady driver na nagpakita ng baril, nanakot lang daw ng namamalimos

Natangay ng mga suspek ang isang iPhone (P30,000), isang Samsung cell phone (P7,000), isang Oppo cell phone (10,000), dalawang pares ng bracelet (90,000), isang wristwatch (P50,000), iba pang mga alahas (P20,000), at isang bag na may P3,500 cash.

Bukod pa ito sa nakuhang P215,000 cash mula sa ginang, o may kabuuang halagang P425,500.