Ni: Alexandria Dennise San Juan
Isa na namang lalaki, na kabilang sa drug watch list ng Novaliches Police Station, ang napatay sa engkuwentro ng anti-illegal drug operatives sa Barangay Bagbag, Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Julius Balbuena, imbestigador, ang napatay na si Jeremy Brazal, kilala bilang “Parak”, na sinasabing kilabot na tulak ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang mga tauhan ng Novaliches Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) tungkol kay Brazal na armado ng baril at may ilegal na transaksiyon sa kahabaan ng Ibayo Street, Bgy. Bagbag.
Agad rumesponde ang awtoridad at nasilayan si Brazal.
Gayunman, naramdaman ni Brazal ang presensiya ng mga pulis sa lugar at pinagbabaril ang mga ito bago tumakbo at nagtago sa isang bahay sa Abbey Road.
Hinabol at kinorner ng awtoridad si Brazal ngunit sa halip na sumuko, muling pinaputukan ng huli ang mga pulis dahilan upang gumanti ang mga ito na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Ilang basyo ng bala at pakete ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa pinangyarihan.