Paiimbestigahan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año ang mga report tungkol sa isang heneral na umano’y nagsisilbing protektor ng sinasabing Parojinog drug ring, bagamat walang impormasyon kung ang nasabing opisyal ng militar ay aktibo pa o retirado na.

Tiniyak ni Año na mag-uutos siya ng imbestigasyon upang kumpirmahin ang nasabing ulat at masusing makikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa available na impormasyon tungkol sa report.

“We will not allow—especially those in the active service—to be part or coddling, protecting anyone or any drug syndicate. It’s a mortal sin on the part of the AFP,” sinabi ni Año sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag sa Davao City nitong Sabado.

Nasa Davao si Año para dumalo sa command conference sa Eastern Mindanao Command.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We still have to coordinate with the PNP or PDEA kung ano ‘yung hawak nila at makapagsimula tayo ng sariling imbestigasyon,” sabi ni Año.

Ito ang naging pahayag ni Año matapos mapaulat na isang heneral sa AFP na malapit sa naarestong si Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog ang nagsisilbing protektor ng umano’y drug ring ng pamilya.

“’Di pa natin alam kung active o retired. We will look into that,” sabi ni Año.

Kasalukuyang nakapiit ang bise alkalde sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City, kasama ang kapatid niyang si Reynaldo Parojinog, Jr.

Dinakip ang magkapatid makaraang salakayin ng pulisya ang compound ng mga Parojinog nitong Hulyo 30, at nasawi sa umano’y engkuwentro si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr., ang misis nitong si Susan, kapatid na si Board Member Octavio Parojinog, at 13 iba pa.

Matatandaang sa pagsasapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang “narco-list” noong nakaraang taon ay kabilang sa listahan ang alkalde, gayundin ang ilang aktibo at retiradong heneral.

Sa pagharap sa mga kasapi ng mining industry noong nakaraang taon, muling nagpakita ng narco-list ang Pangulo, bagamat hindi isinapubliko ang listahan, at wala ring ulat kung nabawasan o nadagdagan ito. - PNA