ni Reggee Bonoan

SA 100 Weeks celebration ng FPJ’s Ang Probinsyano, tinanong namin si Direk Malu Sevilla kung nasubukan na niyang idirek ang bagong pasok sa programa nila na si Aljur Abrenica.

“Oo, ako ang nag-first shoot sa kanya,” kaswal na sagot sa amin.

Siyempre, kinumusta namin ang acting ni Aljur.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Aljur at Direk Malu
Aljur at Direk Malu
“Okay, okay, may willingness, 200%. May template na kasi siya,” sagot ng direktora. “Hindi naman kailangan ng matinding acting pa, kasi aksiyon ito, eh, so walang malalim na drama.”

Ang bansag kasi kay Aljur ng mga kritiko noong gawin sa GMA-7 ang Machete ay “wooden actor” o taong-kahoy at naalala namin si Ejay Falcon na kasama na rin sa Ang Probinsyano at unang naidirihe ni Direk Malu sa seryeng Katorse kasama sina Erich Gonzales at Enchong Dee na talagang katakut-takot na pagtuturo ang ginawa niya.

“Magkaiba kasi sila, drama kasi ‘yun (Katorse) kay Ejay, itong kay Aljur, it’s an action-drama, so far, acting requirement dito for him is not a highly dramatic. So magkaiba talaga,” katwiran ni Direk Malu.

Ang karakter ni Aljur ay anak ng corrupt businessman na si Jestoni Alarcon na may-ari ng isang quarrying company at may mga ginagawang illegal.

Alamin kung ano ang koneksiyon ni Aljur sa mga rebelde na magkakaroon ng kaugnayan kay Cardo (Coco Martin).

Anyway, isinabak muna si Aljur sa Ang Probinsyano at saka siya ilalagay sa ibang serye na isa siya sa mga bida.

Sabi ni Direk Malu, “I think he’s a special guest, hindi ko lang alam kung gaano katagal ang run nu’n.”

Samantala, nagkatawanan ang mga dumalo sa thanksgiving presscon para 100 Weeks celebration ng FPJAP sa sagot ni Direk Malu na, “I think I feel like a woman!”

Tinanong kasi ang direktora kung ano ang pakiramdam niya na puro lalaki ang artista niya sa set.

Inamin niya sa amin na malaki ang naitutulong ng mga artistang lalaki sa kanya.

“They help me, they help, the boys. Kasi I don’t know everything being a man. Sometimes they ask me questions, ang saya ng mga boys kasi very gentleman sila kaya feel ko ‘yun,” masayang sabi niya.

Ano ang pakiramdam na isa siya sa direktor ng number one primetime program ng ABS-CBN sa loob ng dalawang taon?

“Actually, challenging, hindi pa rin nawawala ‘yung challenge sa akin kasi iba-ibang kuwento naman ‘yan, kita mo, iba-iba nangyayari, so ‘yung mga ganu’n nakaka-challenge talaga, hindi ko pa nama-master ang television, Reggs,” sagot sa amin.

Ano ang mas gusto nilang mga taga-Ang Probinsyano, mataas ang ratings o maraming ads/sponsors?

“I think it goes hand in hand, kasi kapag mataas ang ratings mo, doon naman nagbi-base na papasukin ka ng ads, di ba? So they go together, pero siyempre kaming nasa TV prod, ratings kasi it shows na maganda ‘yung produkto namin, ‘yung pinaghirapan namin, maraming nagkakagusto. Eh, ‘yung TV ads naman, sa management naman mapupunta ‘yun, kita nila ‘yun,” paliwanag niya.

Sinasadya bang sakto ang mga umeereng episode sa mga nangyayari ngayon sa Pilipinas, tulad ng Marawi siege.

“Actually hindi, kasi bago pa nangyari itong Marawi nakaplano na kami ahead of time. Sa maniwala kayo o hindi, mga three months na itong planado, ano ‘yan may mga concept na ‘yan ganito o ganyan ‘tapos saka lang ipupulido habang malapit nang i-shoot ang certain episode.

“Kaya nagulat kami nu’ng nangyari itong Marawi kasi nakaplano na, eh, wala... siyempre iisipin ng iba ginaya. Ang totoo talagang nagkataon, ‘yung 44 SAF fallen, ‘yun ang pareho,” kuwento ni Direk Malu.

Ano ang masasabi niya sa bida nilang si Coco Martin na lagare ngayon sa taping ng Ang Probinsyano at shooting ng Ang Panday -- na ito mismo ang bida, direktor at producer?

“Bilib ako d’yan kay Kuya (tawag nila kay Coco), grabe ang energy. Sabi ko nga magpahinga rin siya kasi siyempre, nagkakaedad na rin tayo, eh, marami pa raw siyang gustong mangyari.

“Imagine, from Monday to Thursday, tapings ng Ang Probinsyano, Friday to Sunday shooting niya ng Ang Panday, so ano pa mangyayari?” pambubuko ni Direk Malu kay Coco.

Natutulog pa ba si Coco!

“In between, kita mo, hayan, halatang pagod na (tumingin kami kay Coco at patang-pata na, pero nakangiti pa rin). Maaga pa shooting n’yan bukas (kamakalawa, Sabado). Ewan ko dito kay Kuya,” napapailing na sabi ni direk Malu.

Sa madaling sabi, walang love life si Coco?

“Paano nga ba? Mayroon ba?” hirit ng direktora.

Di ba, si Julia Montes?

“Talaga? Hindi ko alam, paano magkikita? Walang time,” mabilis na katwiran sa amin.

Samantala, naniniwala ba si direk Malu na kaya raw nagtagal si Yassi Pressman bilang leading lady ni Coco ay dahil hindi nito kayang tumayong mag-isa o magdala ng show hindi katulad nina Maja Salvador na may Wildflower at si Bela Padilla na kaliwa’t kanan ang pelikula?

“Really? Well, I can’t argue with 23 endorsements, ha-ha-ha. ‘Yun lang ang masasabi ko,” masayang sagot ni Direk Malu.

“I like Yassi, napakagaang katrabaho, siya ang joy sa taping, masayahing tao, walang isyu, walang problema, masarap katrabaho,” saad pa niya.