SINOPRESA ng Hair Fairy-Air Force ang defending champions Pocari Sweat, 25-20, 25-19, 25-21, sa Game One ng kanilang best-of-three semifinal match-up nitong Sabado sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Ginamit ng Lady Jet Spikers ang kanilang malalakas na serves at matinding depensa upang makontrol ang laro.

Ngunit, hindi na ito ikinagulat ni Air Force coach Jasper Jimenez dahil na rin aniya sa determinasyon ng kanyang mga manlalaro na may nais patunayan ngayong conference.

“Siguro lahat talaga gumana – magmula sa depensa at serving namin. Hindi nagbigay ng pagkakataon ‘yung mga players namin, talagang ginusto nilang tapusin agad,” pahayag ni Jimenez, isang Air Force Technical Sergeant.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Hindi talaga naging maganda para sa amin ‘yung mga performance namin sa mga last conferences. Gusto talaga naming bumawi ngayon,” aniya.

Nanguna ang beteranang open hitter na si May Ann Pantino sa nasabing panalo sa itinala niyang 12 puntos, kasunod ang middle blocker na si Jocemer Tapic na may 11 puntos.

Pinangunahan naman ni Myla Pablo ang Lady Warriors sa iniskor nitong 14 puntos.

Nauna rito, naisalba ng Creamline ang matikas na ratsada ng BaliPure sa kabila nang pagbangko kay star player Alyssa Valdez, 25-15, 13-25, 28-26, 18-25, 15-7, sa kanilang hiwalay na semifinal duel. - Marivic Awitan