Ni BETH CAMIA at ng AFP

Nagkasundo na ang China at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa draft framework para sa legally binding na Code of Conduct (COC) sa South China Sea, at magsisimula ang mga pormal na negosayon ngayong taon.

Papalitan ng code ang 15-anyos na non-binding declaration sa pagitan ng Beijing at ASEAN sa South China Sea.

Sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na ang “framework draft” ay “agreed upon and approved” sa mga isinagawang pagpupulong sa Manila.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Samantala, hindi pa rin makabuo ng iisang paninindigan ang mga nasyon sa Southeast Asia kung paano haharapin ang pagpapalawak ng teritoryo ng China sa South China Sea, sa matinding pangangampanya ng Cambodia para sa Beijing, sinabi ng mga diplomat.

Nabigo ang mga foreign minister ng 10-miyembrong ASEAN na makapaglabas ng joint communiqué sa itinakda noong Sabado ng gabi at sa kabila ng matinding follow-up negotiations kinaumagahan, sinabi ng dalawang diplomats sa AFP.

Uminit ang usapan nang igiit ng Vietnam na isingit ang mabibigat na lengguwahe sa communiqué na pagpapahayag ng pagkabahala sa land reclamation ng mga Chinese sa pinagtatalunang karagatan.

Mariin itong tinutulan ng Cambodia, ang pinakamahigpit na kaalyado ng China sa loob ng ASEAN, ayon sa mga impormante.

“Vietnam is adamant and China is effectively using Cambodia to champion its interests,” sabi ng isang diplomat sa AFP.

“But the Philippines is trying very hard to broker compromise language.”

Hindi nagbigay ng dahilan si Foreign Affairs spokesman Robespierre Bolivar kung bakit naantala ang paglabas ng communiqué gayunman, tiniyak niyang maglalabas sila ng pahayag kaugnay sa nasabing isyu sa mga susunod na araw.

“The communique will be issued together with all the chairman’s statements by the end of all the meetings,” pahayag ni Bolivar.

Umaasa pa rin ang mga diplomat na makapaglabas ng joint ASEAN statement bago magtapos ang lahat ng pagpupulong ng bloc sa Martes.

Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, kabilang ang mga bahagi ng tubig na nasa loob ng teritoryo ng mga miyembro ng ASEAN kabilang ang Vietnam, Pilipinas, Malaysia at Brunei.