SA buong linggong ito, magpupulong sa Maynila ang mga foreign minister ng sampung bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) — ang Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Cambodia, Laos, Myanmar, Vietnam, at Pilipinas — para talakayin ang iba’t ibang usaping pandaigdigan at pangrehiyon.
Magdaraos din ng mga pulong sa ibang mga bansa sa huling bahagi ng taong ito sa iba’t ibang forum na inilunsad sa nakalipas na mga taon simula nang itatag ang ASEAN noong 1967. May pulong sa China sa ASEAN+1; sa China, Japan, at South Korea sa ASEAN+3; at sa Amerika, Russia, China, India, Japan, Australia, New Zealand, at South Korea sa East Asia Summit.
At dahil ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-50 anibersaryo ng ASEAN, magkakaroon ng mga commemorative ceremony na magbibigay-diin sa pagkakaisa, pagtutulungan, pag-uugnayan, at kaunlaran ng sampung bansang ASEAN na binubuo ng nasa 625 milyong katao at nakapagtala ng pinagsama-samang Gross Domestic Product (GDP) na $2.8 trillion noong 2015.
Sa pakikipagpulong ng ASEAN sa Amerika, tatalakayin ni US Secretary of State Rex Tillerson ang tatlong mahahalagang usapin — ang pag-aalis ng anumang nukleyar na armas sa Korean Peninsula, paglaban sa terorismo, at seguridad sa karagatan. Tinukoy sa unang isyu ang paulit-ulit na pagsubok ng North Korea sa bisa ng mga ballistic missile nito, na sinabi nitong makaaabot na ngayon sa malaking bahagi ng Amerika. Ang usapin sa paglaban sa terorismo ay partikular na pagtutuunan ng Pilipinas sa gitna na rin ng pagkubkob ng mga teroristang Maute sa Marawi, katuwang ang mga teroristang jihadist ng Islamic State.
Sa isyu ng seguridad sa karagatan, determinado ang Amerika na isulong ang malayang paglalayag sa South China Sea sa gitna ng pag-angkin ng China sa soberanya sa halos buong karagatan. Marami sa mga bansang ASEAN, kabilang ang Pilipinas, ay partikular na nababahala sa usaping ito. Nagtayo ang China ng mga outpost, kumpleto sa mga runway at defense installations, sa ilan sa mga isla na inaangkin din ng Pilipinas at ng iba pang bansang ASEAN.
Nitong Biyernes, nagpahayag ang China ng kahandaang makipagtulungan sa ASEAN upang mapanatili ang kaayusan sa South China Sea at isulong ang pagtutulungang pang-ekonomiya sa bisa ng isang Code of Conduct. Hindi binanggit sa pahayag na ipinaskil sa opisyal na website ng Chinese Embassy sa Maynila ang anumang tungkol sa mga man-made installation ng China sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea.
Sa mga idaraos na pulong ng ASEAN, inaasahan nang pagtutuunan ng atensiyon ng mga foreign minister ang usaping ito. Maaaring magpahayag ang ASEAN ng “serious concern” at bigyang-diin ang kahalagahan ng “non-militarization and self-restraint in all activities”, ayon sa inihahandang communiqué ng mga foreign minister. Ngunit walang direktang kumprontasyon, lalo na dahil ang Pilipinas ang chairman ng ASEAN sa taunang pulong na ito ngayong 2017.