Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Hindi natatapos ang laban ng pamahalaan sa terorismo sa pagpapalaya ng mga sundalo sa Marawi City mula sa mga teroristang Maute at Islamic State (IS), sinabi kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ay kasunod ng pakikipagpulong ni Pangulong Duterte sa ilang senador sa Malacañang noong nakaraang linggo, upang talakayin ang mga bagay na may kaugnayan sa seguridad ng bansa.

Sa isang panayam sa Brigada News FM, sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na nag-iingat ang Pangulo sa posibleng pagsulpot ng ibang grupo kapag nalipol na ang mga terorista sa Marawi City.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Ito’y isang bagay na dapat maintindihan ng lahat na ‘pag natapos itong bakbakan sa Marawi, hindi pa tapos ang talagang laban na dapat nating gawin,” pahayag ni Padilla.

“Ang hinaharap natin dito ay isang pag-iisip, isang ideolohiya na kailangang magawa nating bantayan sa paglaganap diyan sa ating mga kanayunan, lalo na sa mga Muslim communities natin, mga vulnerable areas,” dagdag niya.

Sinabi ni Padilla na posiblenmg nabanggit ni Duterte sa mga senador ang mga bagay na ito.

“Bagamat tayo ay nakatuon ang pansin sa Marawi at sinasabi nating paunti na sila nang paunti, may mga grupo pa rin na natitira at nalalabi d’yan sa mga ibang lugar sa paligid o sa kabuuan ng Mindanao na maaaring magsanib-puwersa uli at magpahiwatig ng kanilang presensiya kaya kailangang paghandaan natin at bantayan,” paliwanag ni Padilla.

Gayunman, siniguro niya sa publiko na nakaantabay ang AFP at ang Philippine National Police (PNP) sa kahit na anong pagbabanta.

Batay sa huling update ng militar kahapon, sinabi ni Padilla na may kabuuang 523 terorista na ang napapatay sa ika-76 na araw ng bakbakan sa Marawi.

Nasa 602 naman ang armas na narekober ng mga awtoridad, bagamat umakyat na sa 125 ang nasawi sa panig ng gobyerno.

Ayon pa kay Padilla, batay sa impormasyon mula sa Joint Task Force Marawi, nasa 100 pa ang bihag ng Maute, at inihiwalay na ang mga babae sa mga lalaking hostage.

May ulat ni Francis T. Wakefield