Ni: Mary Ann Santiago
Tuluyang isinelda ang dalawang lalaking inaresto sa paglalaro ng cara y cruz makaraang makuhanan ng umano’y shabu sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o illegal possession of illegal drugs at Presidential Decree 1602 o illegal gambling ang isasampa laban kina Ian Delos Reyes Edrozo, 40, miyembro ng Commando Gang, at residente ng 2152 V. Serrano Street sa Tondo; at Maita Balaston Co, 43, ng 56 Espina St., Navotas City.
Inaresto ang mga suspek sa kasagsagan ng Oplan Bulabog ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 1, sa pamumuno ni Police Senior Inspector Ness Vargas, sa riles sa Laong Nasa St., dakong 10:30 ng gabi.
Natiyempuhan ng mga pulis na naglalaro ng cara y cruz ang mga suspek kaya sinita nila ang mga ito.
Nang kapkapan, nakuha sa kanila ang umano’y shabu dahilan upang sila ay idiretso sa selda.