Ni AARON B. RECUENCO

Maging ang mga laro sa baraha at iba pang sugal na karaniwan nang ginagamit upang makakolekta ng abuloy para sa mahihirap na namatayan ay hindi palulusutin sa idineklara ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na all-out war laban sa ilegal na sugal.

“As I have said, my order is to run after all forms of illegal gambling. Once and for all, let us show that we can stop all of them,” sabi ni dela Rosa.

Karaniwan na ang mga laro sa baraha na sakla, tong-its, pusoy dos, at iba pa—kabilang ang bingo at pula-puti—sa mga nilalaro sa mga lamayan sa mahihirap na lugar at mga lalawigan para makatulong sa pagkolekta ng abuloy o pampalibing sa maralitang yumao.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Gayunman, iginiit ni dela Rosa na gusto niyang tuluyang masugpo ang lahat ng uri ng ilegal na sugal upang pabulaanan ang puna ng ilan na may pinipili umano ang PNP sa pagpapatupad ng kampanya kontra ilegal na sugal.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay ipinag-utos ni dela Rosa sa lahat ng kanyang regional director na tuldukan ang illegal gambling sa kani-kanilang hurisdiksiyon sa loob ng 15 araw kung ayaw nilang masibak sa puwesto.

Partikular na tinututukan ng kampanya ang jueteng, na ilang dekada nang popular na sugal sa Metro Manila at Luzon, gayundin ang masiao at suertres sa Visayas at Mindanao.

“We expect that they would say we are being selective so we will include all forms of gambling that are illegal,” ani dela Rosa.

“We have created an oversight committee at the NHQ (National Headquarters) level for regional commanders and we expect that regional commanders and provincial commanders would do the same at their level to assess the performance of commanders under them,” paliwanag ni dela Rosa tungkol sa ipatutupad na kampanya.