NASAGWAN ng Philippine rowing team ang tatlong silver at dalawang bronze medal sa katatapos na 2017 Southeast Asia Junior and Senior Rowing Championships sa Dong Xanh-Dong Nghe Lake sa Da Nang’s Hoa Vang district sa Vietnam.

Pinangasiwaan ni coach Edgardo Maerina, nakopo nina Olympian Benjamin Tolentino Jr. sa men’s singles sculls event , at SEA Games gold medalist Nestor Cordova at Roque Abala sa men’s doubles sculls event gayundin ng tambalan nina Melcah Jen Caballero at Joanie Delgaco sa women’s doubles sculls event ang silver medal.

Nakamit naman ni Junior athlete Cris Nievarez, inaasahang isasabak ng bansa sa 2018 Youth Olympic Games sa Argentina, at ni Delgaco ang bronze medal.

Iginiit ni Maerina, miyembro ng RP Team noong 1988 Seoul Olympic Games, na lubhag lumakas ang Vietnam at Indonesia na kapwa nagdomina sa laro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

NCAA CHESSFEST

NAKATAKDANG simulan ngayong hapon ang chess competition ng NCAA Season 93 sa Lyceum of the Philippines University sa Intramuros kung saan sisimulan ng San Beda College ang kanilang title retention bid sa seniors division at ng Letran sa juniors.

Binubuo nina Alcon John Datu, Bryan Barcelona, Mark Joseph Turqueza at McDominique Lagula, pinatalsik ng Red Lions ang back-to-back titlist Arellano University noong isang taon upang makamit ang ikalawa nilang titulo sa liga.

Inaasahang magiging mahigpit nilang katunggali ngayong taon para sa target nilang ikatlong pangkalahatang korona maliban sa Arellano ang event host Lyceum, St. Benilde at ang league’s most winningest senior squad at season host San Sebastian College.

Sa juniors division, tatangkain naman ng Squires na mapanatili ang titulo para sa pang-13 nilang pangkalahatang kampeonato bilang most winningest team sa juniors level.

Kabilang naman sa inaasahang top contenders sa juniors ang dating kampeong San Beda Red Cubs at San Sebastian Staglets.

Magkakaroon ng isang simpleng opening rites na gaganapin ng 10:00 ng umaga bago pormal na simulan ang kompetisyon ng 1:00 ng hapon .

Ang chess ang ikalawang sports sa first semester ng Season 93 kasunod ng basketball.

Ang iba pang sports na nakahanay sa unang semestre ay ang badminton, swimming at table tennis na magkakasunod na magbubukas ngayong buwan at ang taekwondo na idaraos sa susunod na buwan. - Marivic Awitan