MALAKI ang papel na ginagampanan ng mga mister sa pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga sanggol upang makamit ang tagumpay ng breastfeeding program sa Pilipinas, ayon kay Health Secretary Dr. Paulyn Ubial.
“As mentioned by World Health Organization (WHO) country director, Dr. (Gundo) Weiler, the husband is important in the formula (for a successful breastfeeding program),” pahayag ni Ubial sa ASEAN Breastfeeding Forum, nitong Huwebes na ginanap sa Blue Leaf Filipinas sa Parañaque City.
Bukod sa mga asawang lalaki, ang lugar na pinagtatrabahuhan at ang kapaligiran ay nangangailangan din ng suporta para sa mga nagpapasusong ina, aniya.
Dagdag pa ni Ubial, kailangan ng mga health workers na magkaroon ng kapasidad upang makatulong sa pagtataguyod ng breastfeeding sa kababaihan, kabilang ang kabataang babae na magiging ina rin balang araw.
Sa Global Breastfeeding Scorecard 2017, ini-report ng World Health Organization (WHO) na matapos ang ebalwasyon ng 194 na bansa, napag-alaman na 40 porsiyento ng mga batang hindi hihigit sa anim na buwan ay nakatatanggap ng gatas mula sa kanyang ina. Sinabi rin dito na 70 porsiyento ng mga bata ay pinapasuso pa rin hanggang mag-isang taong gulang, at tinatayang 45 porsiyento lamang ang napapasuso sa edad na dalawang taon.
Kinikilala ng WHO ang pagpapasuso bilang “one of the most effective investments a country can make” upang masiguro na mas matalino at mas malusog ang populasyon, dahil ang gatas na mula sa ina ay nagbibigay ng proteksiyon laban sa mga sakit, nakapagpapataas ng IQ, at nagtataguyod ng malakas na ugnayan sa pagitan ng ina at ng kanyang sanggol.
Sa forum, sinabi ni Weiler na maraming tao pa rin ang naniniwala na mas mahusay ang mga gatas na nabibili kaysa gatas mula sa ina.
“Of course this is a belief that is supported by marketing strategies (of milk companies),” aniya.
“There is a need for a change of culture to make sure that breastfeeding is available in the Philippines and all other countries. And we all have a role to play in this,” dagdag pa niya, kasabay ng panawagan sa mga health minister ng mga miyembro ng ASEAN na dumalo sa forum, na magbahagi ng karanasan at bilang balik ay matuto mula sa mga karanasan ng iba, upang mapatatag ang breastfeeding program.
Naririto sa bansa ang mga health expert mula sa mga miyembro ng ASEAN upang paghandaan ang deklarasyon ng pagtatapos sa lahat ng uri ng malnutrisyon, na nakatakda nang mapasama sa ASEAN Summit ngayong Nobyembre.
Isinusulong ng forum ang people-centered at people-oriented ASEAN, bilang ang Pilipinas ang punong abala sa ASEAN forum para sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN ngayong taon. - PNA