ni Fr. Anton Pascual
KAPANALIG, kung business as usual o walang pagbabago sa ating mga mga gawi, tinatayang tataas ng six degrees celsius ang temperatura sa Asya matapos ang siglong (century) ito. Malaking krisis ito para sa susunod na henerasyon.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), mas iinit na sa mga bansa sa Asya gaya ng Tajikistan, Afghanistan, Pakistan, at China. Ang pagtaas na ito ay magdudulot ng mga radikal na pagbabago sa mga weather system ng rehiyon. Lubhang maaapektuhan ang mga sektor ng pagsasaka at pangingisda, ang mga likas yamang panlupa at pandagat, pati na rin ang iba pang aspeto gaya ng migrasyon, kalusugan, pangangalakal at iba pa. Maaari rin itong magdulot ng extinction ng ibang species. Lahat ito ay banta sa sustainable development ng mga bansa at ng buong rehiyon.
Mas lalakas pa ang mga bagyo sa Asya kung hindi natin mapipigilan ang pagtaas ng temperatura. Tataas pa ng 50% ang pag-ulan sa halos lahat ng kalupaan sa rehiyon, habang ang mga bansang gaya ng Pakistan at Afghanistan ay mas kokonti ng 20% hanggang 50% ang pag-ulan.
Asahan na rin natin ang regular at malawakang pagbaha sa mga coastal at low-lying areas sa Asya. Labing-siyam sa 25 siyudad sa mga bansa sa rehiyon ay maaaring tumaas pa ng isang metro ang sea-level. Pito sa mga siyudad na ito ay nasa Pilipinas.
Kapag hindi natin napigilan ang pagtaas ng temperatura, maaapektuhan din ang food production sa buong rehiyon. Tinatayang pagdating ng 2100, bababa ng 50% ang food production at maaaring magkaroon ng food shortage. Anong mundo ang ating iiwan sa susunod na henerasyon?
Nasa kamay natin ang solusyon. Ayon sa mga eksperto, kapag nabawasan ng rehiyon ang greenhouse gas emission at malimitahan nito hanggang 2% ang pagtaas ng pag-init ng temperatura, maaaring malimitahan din ang mga banta ng climate change. Kung hindi natin ito magagawa, lahat ng ating mga napundar ay maaaring mabalewala.
Hindi natin ito puwedeng isawalang-bahala. Kailangang kumilos tayo, mula sa mga tahanan, hanggang sa mga gobyerno sa buong rehiyon. Hindi lamang tayo dapat makapaghanda, kailangan mapigilan natin ang mga epekto ng pagbabago ng klima. Pilit tayong ginigising ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si: “Anong uri ng mundo ang nais nating iwan sa mga bata? Hindi lamang kalikasan ang ating pinag-uusapan dito. Hindi maaaring paisa-isa ang ating tugon. Kailangan nating makita na ang nakataya rito ay ang ating dignidad. Ang pag-iwan ng isang mundo na halos hindi na matitirhan ng susunod na henerasyon ay sumasalamin sa ating buhay. Ito ay nagpapakita ng kahulugan ng ating paglalakbay sa mundo”.