Inaawat lamang ang nagbabangayan niyang kapitbahay, nanganganib ang buhay ng isang barangay kagawad matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Isinugod sa Manila Sanitarium and Hospital si Cesar Manila, 55, kagawad at residente ng Inocencio Street, Barangay 105, Central Park dahil sa mga tama ng bala sa dibdib.

Sa salaysay ng mga saksi, ang mga suspek ay dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng helmet at jacket upang itago ang kanilang pagkakakilanlan. Wala ring plaka ang motorsiklo ng mga suspek, anila.

Ayon kay PO3 Norman Mapili, ng Central Park Police Community Precinct (PCP-5), inaawat lamang ni Manila ang nag-aaway niyang mga kapitbahay nang pagbabarilin ng mga suspek, dakong 12:20 ng madaling araw.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Nasa gilid sila ng kalsada dahil inaawat niya ‘yung mga nag-aaway niyang kapitbahay, mga lasing yata, tapos bigla na lang huminto sa tapat niya ‘yung mga (suspek) naka-motor. Doon na siya pinagbabaril nang malapitan, nagtakbuhan ‘yung ibang nakakita,” pahayag ni Mapili.

Matapos ang pamamaril ay humarurot ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Arnaiz Avenue habang nagpasaklolo naman ang nag-away na kapitbahay hanggang sa isinugod sa ospital si Manila, dagdag ni Mapili. - Martin A. Sadongdong