Ni JIMI ESCALA
“TODO talaga ang pag-aalaga ni Coco (Martin) sa lahat naman sa amin,” pag-amin ni Yassi Pressman nang humarap sa media sa 100 Weeks celebration ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Hindi ba nanliligaw sa kanya si Coco?
“Hindi po,” napailing na sagot ng dalaga.
Paulit-ulit na binanggit ni Yassi na wala namang dapat pag-usapan tungkol sa “sweetness” nila ni Coco sa set. Single daw siya at walang nanliligaw sa kanya.
“Wala rin naman kasi akong time. Bale po siguro Monday to Saturday, Probinsiyano taping ako, then every Sunday (shooting ng) Pambansang Third Wheel and minsan naman, eh, nasa ASAP ako, kaya wala po talagang time,” napatawang banggit ng magandang leading lady ni Coco.
Natutuwa si Yassi na may fans sila ni Coco na very supportive sa kanilang dalawa. Nagpasasalamat din siya na tuluy-tuloy ang dating ng suwerte sa career niya.
Bukod sa sinasabing “sweetness” sa set, ipinaliwanag din ni Yassi ang isyu na hinangad din daw niyang maging leading lady pa rin ni Coco sa Ang Panday na MMFF entry ng Primetime King.
“Hindi po ako mahilig mag-expect. Para nga iba rin ang maibibigay niya. Excited po ako na mapanood sila. Napag-usapan na rin naman naming ‘yung mga cast na kasama kasi marami rin sa family namin sa Ang Probinsiyano, eh, kasama rin sa movie na ‘yun,” banggit ng dalaga.
Pero kahit hindi siya ang napiling leading lady, willing bang lumabas sa Ang Panday bilang guest?
“Well, malay natin. Hindi pa po naman namin ang alam ‘yan. Pero kung sakaling mabigyan ng pagkakataon, eh, why not, di ba?” sagot sa amin ng dalaga.