Ni Brian Yalung

KUNG may dapat ipagdiwang ang Centro Escolar University sa pagsampa sa Final Four ng PBA D-League Foundation Cup, ito’y ang kahandaan ng Scorpions para sa kampanya sa Universities and Colleges Basketball League (UCBL).

Binubuo ng seniors varsity team, sa pangunguna nina Rob Ebondo at JK Casino, nagawang buwagin ng Scorpions ang Batangas sa kanilang quarterfinal match-up.

Rodrigue Ebondo
Rodrigue Ebondo
Iginiit ni CEU coach Yong Garcia, na ang kaganapan ay tapik sa balikat para sa matikas na kampanya ng Scorpions sa collegiate league, habang napukaw ng mga beterano ang atensyon ng talent scout para sa kanilang planong umakyat sa pro league.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sunod nilang makakaharap ang powerhouse squad Flying V.

“Oo, sa kanila talaga ako mag-rely,” sambit ni Garcia, patungkol sa mga beteranong sina Ebondo, Casino, Aaron Jeruta at Joseph Manlangit.

“Sinabi ko nga sa kanila, mabigat na responsibilidad nila ngayon so kailangan tanggapin nila,” aniya.

Sa duwelo sa Flying V para sa best-of-three semifinal showdown, klaro ang diskarte ni Garcia.

“One game at a time. Ang Flying V talagang grabe kasi ang lineup. Ang sabi ko na lang sa mga bata, bigay lang yung best effort nila, enjoy the game at yung pressure nasa kanila hindi sa atin.”

“Ang focus naming, manalo as much as we can. Hindi namin ini-expect aabot kami sa semifinals. So sabi ko nga sa mga bata, wala naming imposible. Andito na tayo ngayon so tuloy lang,” sambit ni Garcia.

Iginiit ni Garcia na mas maigting na bugso ang kailangan ng Scorpions para makausad sa Finals at inaasahan niyang magpupursige ng todo ang koponan.

“Hindi naman siguro. Nakikita ko sa kanila pagiging aggresibo nila and gusto talaga nilang magpakita and magpakilala,” aniya.

Nakatakda ang duwelo ng CEU at Flying V sa Agosto 10 sa Ynares Sports Arena Pasig City.