Ni: Reggee Bonoan
LUMAMPAS na sa P250M ang kinikita ng pelikulang Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na tatlong linggo nang patuloy pa ring pinipilahan sa mga sinehan.
Ayon sa isa sa producers ng Spring Films na si Bb. Joyce Bernal nang makatsikahan namin sa huling gabi ng burol ni Tito Alfie Lorenzo, “Huling sabi sa akin nasa P220M na kami. Wala pa akong update sa today (August 2), third week na namin, eh.”
May follow-up movie na ba ng AlEmpoy?
“Actually, meron, pero pinag-uusapan pa, binubuo pa kasi siyempre dapat level or higit pa sa Kita Kita. Ang alam ko si Empoy may sariling movie, ‘yung sila ni Alex, under negotiation pa,” sagot ng direktora.
Lagare ngayon si Direk Joyce sa dalawang pelikula. Una ang bagong pelikula nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga na ipalalabas na raw sa Setyembre.
“Wala pa ngang title itong kina PJ at Toni,”sambit sa amin.
Handog daw ulit ito ng Spring Films, say ni Direk Joyce.
Biniro namin siya na tiyak may pressure sa kanya dahil ang naunang Piolo-Toni movie na idinirek ni Olivia Lamasan (Starting Over Again, 2014) ay isang blockbuster hit.
“Oo nga, eh, bahala na,” sey niya.
Pangalawa ang pelikula nina Vice Ganda at Pia Wurtzbach na entry sa 2017 Metro Manila Film Festival ng Star Cinema at Viva Films.
Hirit ulit namin, mas lalong pressure sa kanya kasi ‘yung sinusundang pelikula ni Vice with Coco Martin (Super Parental Guardians, 2016), sobrang laki ng kinita.
“Oo, isa pa ‘yun, naka-P620M ‘yun, kaya nga, paano ako tataba nito?” napangiting sagot sa amin.
Pero sa tagal na ng pagkakakilala namin kay Direk Joyce ay hindi pa namin siya nakitang tumaba kahit noong wala pa siyang anak.
Samantala, sa sobrang lakas sa takilya ay may pumirata na sa Kita Kita at ipinost ito sa social media.
Kaya nag-post ang isa pang co-producer ng Spring Films na si Erickson Raymundo nito:
“I appreciate your concerns and for sending the links of the pirated copy of our movie. We’ve been reporting them and we will take legal actions.
“May God have mercy on them. Salamat pa din sa mga patuloy na nanunuod sa mga sinehan at hindi sumusuporta sa mga taong pumapatay sa kabuhayan ng mga tao sa aming industriya. Mabuti na lang wala akong kaibigan dito sa FB na nag-share or nanonood sa illegal na pamamaraan. Salamat po.”