Ni FER TABOY

Inihayag kahapon ni Ozamiz City Police Office (OCPO) chief, Chief Insp. Jovie Espenido na huhukayin nila ang dalawang balon na sinasabing pinagtapunan ng mga bangkay ng mga pinatay ng mga Parojinog sa siyudad.

Sinabi ni Espenido na gagamit sila ng dalawang backhoe sa paghukay sa balon sa Barangay Bagakay, Ozamiz City, kung saan matatagpuan ang bahay ng nakatakas na si City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog.

Ayon kay Espenido, mismong ang ilang opisyal ng barangay ang nagsabing bahagi sila ng mga nangyaring patayan sa lungsod noon, at ipinatapon umano ang mga bangkay sa nasabing dalawang balon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inihayag pa ng pulisya na parehong malalim ang mga balon kaya ganoon na lamang ang paghahanda ng mga awtoridad, sa pangunguna ni Espenido, upang hukayin ang mga sinasabing biktima ng salvaging ng mga Parojinog.

Matatandaang lumantad kamakailan ang isang umano’y hitman ng mga Parojinog at inaming hindi na mabilang ang ipinapatay sa kanila ng angkan simula nang pamunuan ng pamilya ang Ozamiz City.

Lumantad ang ilang umano’y tauhan ng mga Parojinog matapos na mapaslang sa raid ng pulisya si City Mayor Reynaldo Parojinog Sr., kapatid nitong si Board Member Octavio Parojinog Jr., at 14 na iba pa nitong Linggo.

Naaresto naman ang magkapatid na sina Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at Reynaldo Parojinog Jr., na kapwa nakapiit ngayon sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Quezon City makaraang kasuhan ng illegal possession of firearms at pag-iingat ng droga.