Ni: Ric Valmonte

“GAGO ka. Sabi ni PNoy, parang walang nangyari. Pumasok ka sa droga at makikita mo, kung hindi ko puputulin ang ulo mo, gago. Bakit sinasabi mong walang nangyayari.” Ito ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-113 anibersaryo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang reaksiyon sa naging pahayag ni dating Pangulong Noynoy Aquino na wala namang nangyayari sa war on drugs.

Sa ikawalong anibersaryo ng pagkamatay ni dating Pangulong Cory Aquino sa Manila Memorial Park, pagkatapos ng misa, sinabi ni ex-PNoy na noong 2015, nasa 1.8 milyon ang drug user sa bansa. Sa huling taon ng 2016, nanatili itong nasa 1.8 milyon. Kaya, aniya, para ring walang nangyari.

Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga opisyal ng pulis ni ex-PNoy at ang natalong kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party na si Mar Roxas ay sangkot sa ilegal na droga. Numero uno raw ang kanyang protegee na si retired Chief Supt. Vicente Loot, dating police director ng Eastern Visayas at ngayon ay mayor ng Daanbantayan, Cebu.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Hindi ako maka-Noynoy. Katunayan, sinisisi ko siya kung bakit nagkaroon tayo ng pangulo na tulad ni Pangulong Digong.

Paano kasi, iniwan niyang napakagulo ang bansa. Walang ginawa ang kanyang administrasyon para malunasan ang traffic.

Bilyong piso ang lumabas sa kaban ng bayan ngunit hindi nalunasan ang problemang ito. Pinagkakitaan pa ito ng mga mataas niyang opisyal. Matindi rin ang corruption. Sa kanyang panahon naimbento ang Development Acceleration Fund (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF). Lumala ang problema sa kriminalidad at ilegal na droga na naging dahilan para lubusan nang mangamba ang taumbayan para sa kanilang kaligtasan. Ang isyung ito ang sinakyan ni Pangulong Digong na kanyang ikinatagumpay.

Pero, nakabibinging pakinggan ang pagmumura ng Pangulo sa mga taong tumutuligsa sa kanya. Karapatdapat bang tawagin niya si ex-PNoy na “gago” at pagbantaang puputulan ng ulo kapag nasangkot sa ilegal na droga? Ang ganitong pag-uugali ng Pangulo ay hindi magandang halimbawa sa mga kabataang papalit sa kanya at magiging pinuno rin ng bansa o maglilingkod sa mamamayan sa anumang kapasidad.

Hindi na natin binibigyan ng kahihiyan ang kapwa natin. Kaya insulto rin ang inaabot niya kapag binubuweltahan siya. Ano ang sabi ni dating Partylist Representative Teddy Casino nang kapanayamin siya ng media pagkatapos kausapin ng Pangulo ang mga nagra-rally sa labas ng Batasang Pambansa nang matapos ang ikalawa niyang State of the Nation Address?

“Kapag nagmura ka sa Kongreso, papalakpakan ka dahil dito ay plastikan, pero sa Kongreso ng bayan, ang mura mo ay ibabalik sa iyo.” Nang pigilin ni Pangulong Digong ang peacetalk negotiation sa pagitan ng gobyerno at ng NDF-CPP-NPA, nagpalitan sila ni Communist Party Founder Joma Sison ng maaanghang na salita. Sinabi niyang may colon cancer si Sison at ayaw nang gastusan ng The Netherlands ang kanyang pagpapagamot.

Sumagot si Sison, sinabi niya na ang Pangulo ang numero unong adik sa bansa na gumagamit ng opoid Fentanyl na siyang dapat targetin ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya laban sa ilegal na droga. Aniya, patuloy ang illegal drug trade sa Bilibid dahil kinakatigan ng Pangulo ang isang grupo ng drug lords sa pagbibigay dito ng lugar ng kanilang pagbebentahan kung saan pinagpapatay naman niya ang mga low-level pushers ng ibang sindikato. Marahil, dapat matutunan na ng taumbayan ang mga isyung mahalaga sa kanilang buhay sa ganitong paraan:

murahan at siraan.