Ni: Clemen Bautista

ISA sa mga kagawaran ng pamahalaan na pinagkukunan ng malaking buwis ay ang Bureau of Customs (BoC). Lahat ng kalakal, kargamento at container van mula sa iba’t ibang bansa ay dumaraan sa BoC. Iniinspeksiyon at sinusuri ang mga kargamento upang matiyak na hindi ipinuslit ang laman ng mga ito. Dumaraan sa mga x-ray machine. Ang green lane ay para sa mga shipment na walang derogatory records, habang ang red lane ay para sa mga shipment na kailangang suriing mabuti.

Sa nakalipas na mga panahon, lagi nang nababalita at parang naging karaniwan na lamang sa BoC na ilarawang pugad ng katiwalian dahil sa payola na ibinibigay ng mga broker sa mga tiwaling opisyal at mga tauhan ng BoC. Ang payola ay tinatawag na TARA. Kung nalulugi ang pamahalaan sapagkat hindi nakukuha ang karampatang buwis, nagkakamal naman ng limpak na salapi ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng BoC. Ang suhulan sa BoC ay tinatawag din na “3’o clock Friday habit” sapagkat tuwing Biyernes, ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng BoC ay nagpa-party o naghahati-hati ng naipon at nakolektang payola mula sa mga broker. Kapag nabubunyag, natitigil sandali ang katiwalian ngunit kapag lumamig na ang balita ay tuloy ang ligaya.

Kamakailan lamang, iniulat na nakalusot sa BoC ang 605 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon. Idiniretso sa isang bodega sa Valenzuela City noong Mayo 23 ng kasalukuyang taon at ito ay ibinunyag ng isang custom broker.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nasundan pa umano ito ng siyam na shipment ng droga. Nagsagawa ng pagdinig ang mga miyembro ng Blue Ribbon Committee tungkol sa nabunyag na katiwalian sa BoC.

Sa pagdinig, sinabi ni BoC Commissioner Nicanor Faeldon na hindi ganap na matitiktikan ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa mga daungan sa bansa dahil 16 na porsiyento lamang ng imports na dumarating sa bansa ang naiinspeksiyon ng x-ray system ng BoC. Inamin ni Faeldon ang kapalpakan ng x-ray machine ng BoC pagdating sa pagsala sa mga container van. Sinabi rin ni Faeldon na responsibilidad niya ang kawalang aksiyon ng kanyang mga tauhan simula nang siya ay manungkulan sa BoC.

Nagtaka naman si Senador Richard Gordon kung bakit walang isinampang kaso laban sa kahit sino, sa pagkakasamsam ng ilegal na droga batay sa confidential intelligence report na ipinadala ng Chinese Customs sa BoC. Ayon pa kay Gordon, ang paglusot ng P6.4 bilyon halaga ng shabu sa BoC ay sampal sa administrasyong Duterte sapagkat nakatuon ang kampanya ng pamahalaan sa pagsugpo sa ilegal na droga. Dahil dito, para kay Senador Gordon, dapat sibakin sa tungkulin si Faeldon dahil sa kapabayaan.

Ayon naman kay Senador Ping Lacson, ang mga corrupt na opisyal at tauhan ng BoC, batay sa pagtaya ng mga custom broker na kanyang nakausap, ay tumatanggap ng P270 milyon sa pamamagitan ng “3’o clock Friday habit”. Tinanong ni Lacson si Faeldon kung tumataas ang payola sa BoC sapagkat ang mga duties o buwis sa bawat container ay bumaba sa P40,000 mula P100,000. Ang naging sagot ng BoC commissioner, ipinatutupad lamang niya ang batas na nagbabawal sa “benchmarking”.

Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan tungkol dito at hiniling ni Rep. Robert Ace Barbers ang pagbibitiw ni Faeldon.

Ngunit nang matiyak ang suporta sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte, binatikos ni Faeldon ang ilang opisyal ng gobyerno na nagtatangkang impluwensiyahan ang trabaho niya sa BoC. Tanong ng ilan nating kababayan: “Kailan matutuldukan ang smuggling at katiwalian sa BoC? Makakaya kayang wakasan ito ni Commissioner Faeldon?”