MAHIGIT isang taon na ang nakalipas simula nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ang mga paunang ulat tungkol sa kampanya ay pawang tungkol sa mga operasyon ng pulisya na nagresulta sa maraming pag-aresto, pagsuko, at pagkamatay. Nalantad ang napakalaking problema sa droga kaya naman pinalawig sa anim na buwan ang paunang tatlong-buwang palugit na itinakda ng Pangulo, at ngayon, mistulang kahit ang buong anim na taon ng kanyang termino ay hindi sasapat upang tuluyan itong masugpo.
Agosto noong nakaraang taon nang pangalanan ni Pangulong Duterte ang mahigit 150 opisyal sa hudikatura, pulisya, at lokal na pamahalaan na, ayon sa kanya, ay sangkot sa bentahan ng droga. Kabilang din sa listahan ang pitong hukom, 13 kasalukuyan at dating lokal na opisyal mula sa Luzon, 14 sa Visayas, at 26 sa Mindanao, tatlong dati at kasalukuyang halal na kongresista, at 95 opisyal at operatiba ng pulisya.
Ang mga kaso laban sa mga opisyal na ito ay nasa iba’t ibang antas na ng imbestigasyon sa kasalukuyan. Isa sa mga alkaldeng nasa listahan ang napatay kasama ng 14 na iba pa nitong Linggo sa Ozamiz City, sa isang engkuwentrong sumiklab nang magpatupad ang mga pulis ng search warrant sa bahay ng alkalde. Marami pang mga katulad na operasyon ang ikakasa, ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa.
Ang mga ulat sa pagkamatay ng libu-libong tulak at adik, at sa mga insidente ngayong kinasasangkutan ng mga lokal na opisyal ay nauugnay sa mga aspeto ng paggamit at bentahan sa kalakalan ng droga. Marami ang nagtatanong kung bakit parang kakaunti lamang ang napagtatagumpayan sa mahalagang bahagi ng kalakalan — ang supply, o ang pinanggagalingan ng shabu o methamphetamine hydrochloride.
Dahil ang shabu ay isang drogang nalilikha sa mga kemikal — hindi gaya ng opium at heroin na mula sa poppy fields ng Afghanistan, at ng cocaine na mula naman sa mga plantasyon ng coca sa Bolivia — ang supply nito ay una nang napigilan nang madiskubre at ipasara ang mga lokal na laboratoryo sa mga unang buwan ng kampanya kontra droga. Subalit ang pangunahing supply ay pinaniniwalaang nagmula sa labas ng bansa at madaling naipupuslit sa mga hangganan ng bansa.
Noong nakaraang linggo, inilunsad ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa ulat na nasa 600 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon ang nakumpiska ng mga tauhan ng customs sa Valenzuela City noong Mayo. Sa pagdinig, tumestigo si Customs Commissioner Nicanor Faeldon at inamin na sa kasalukuyang kalagayan ng mga X-ray equipment nito, nasa 16 na porsiyento lamang ng lahat ng kargamento sa Manila International Container Port ang masusing maiinspeksiyon ng kawanihan.
Natuklasan ng Senado na ang consignee ng mga kargamento mula sa China ay matagal nang nagpapasok ng cargo nito sa “green lane” ng Bureau of Customs, na inilunsad noong 2013 upang mapabilis ang paglalabas ng mga kargamento. Ang mga dadaan sa green lane ay hindi na kinakailangang isailalim sa inspeksiyon o beripikahin ang mga dokumento. Sa 534 na kargamento ng kumpanya mula Marso 21 hanggang Mayo 29, 2017, nasa 484 ang dumaan sa green lane.
Sa kabila ng pinaigting na operasyon kontra droga sa nakalipas na mga buwan, hindi naman nabawasan ang supply ng shabu sa bansa. Dahil sa imbestigasyon ng Senado, nalantad ang pangunahing dahilan nito at marapat na kaagad na maharangan ang pinaglulusutang ito, habang nagpapatuloy ang pagtukoy sa iba pang posibleng pinanggagalingan ng supply ng shabu.