Ni REGGEE BONOAN

ISA sa highlights sa 100 Weeks celebration ng FPJ’s Ang Probinsyano ang pagpasok ng mahalagang karakter ni Aljur Abrenica at nalaman namin na napakabilis ng negosasyon para mangyari ito.

Sa loob lang ng tatlong araw, nagkasarahan na siya kasama ang bagong manager niya na si Jon Ilagan (na nagtayo na rin ng sariling talent management agency – ang Eleven Eleven Entertainment) at ang Dreamscape Entertainment bigwigs.

COCO AT ALJUR copy copy

Trending

'Congrats, Engr. (Andres)³!' Pangalan ng board exam passer, kinaaliwan

Baguhan sa ABS-CBN si Aljur kaya tinanong namin ang Dreamscape big boss na si Mr. Deo T. Endrinal (DTE) kung pinag-acting workshop nila ang palaging inookray na “wooden actor” daw noong Kapuso pa siya, na ang ibig sabihin ay parang tuod.

“Actually, hindi na kailangan kasi marunong siya, may alam naman. Nasa tamang handling lang ‘yan kung paano mo mapapaarte and so far, okay si Aljur, walang problema sa kanya,” pagtatanggol ni DTE sa aktor.

Inalam din namin kung bakit sa Ang Probinsyano agad isinabak si Aljur kahit bagong salta lang ito sa Dreamscape Entertainment.

“Para may impact, ganu’n naman tayo, di ba, kapag may tinutulungan kailangan ilagay mo sa mapapansin kaagad,” sagot sa amin.

Totoo rin ang sinabi ni Aljur na si DTE ang nagkaroon ng interes na ilagay siya sa Probinsyano.

“Oo, kasi nakita ko siya sa ABS (CBN), sabi ko, gusto ko siyang makausap at plantsado na lahat, ganu’n kabilis lang.”

Sabi naman ni Aljur sa presscon, “Mabilis ‘yung mga nangyari, eh. Ganito na lang, after I ended my contract with GMA, ‘yung manager ko, tinawagan ako. Kaya laking pasalamat ko sa bumubuo ng Probinsyano dahil nagkataon po na interesado sila sa akin. Then sinabi po sa akin ng manager ko na kailangan na naming pumunta ng ABS noong Monday. Noong nagpunta ako do’n, doon na po ibinigay sa akin o ‘nilatag ang character ko sa Probinsyano. Doon na nagsimula.”

Matatandaang hindi na ni-renew ng GMA-7 ang kontrata ni Aljur nang mag-expire noong Marso 2017.

At nabanggit din na si Coco Martin mismo, na creative consultant ng sariling serye, ang nagsabing isama si Aljur sa programa niya.

“Si Aljur, nabalitaan ko na papasok na sa ABS,” kuwento ni Coco, “eh, matagal na po nagkausap na kami ni Aljur, one time nagkasama kami sa gym. Basta ‘yung kuwentuhan namin na simple na ‘yun, parang nakagaanan ko na siya ng loob kaagad, silang dalawa ni Kylie (Padilla), nakakuwentuhan ko.

“And then after that po, noong nalaman ko na papasok siya, hiningi ko sa management na sana makapag-guest muna siya dito sa Probinsyano bago siya lumipat ng ibang show.”

Agad umingay ang pagpasok ni Aljur sa Ang Probinsyano dahil agad nag-viral ang inilabas na litrato niyang nakasakay sa kabayo na walang damit pang-itaas.

Napangiti si Aljur at ang karakter raw niya, “May-ari po kasi kami ng isang quarry. Ang tatay ko po ay si Mr. Jestoni Alarcon. ‘Yung kabayo na ‘yon, ang pamilya kasi namin, mahilig sa mga kabayo, ginagamit ko siyang pangronda sa quarry namin. Nagbabantay ako ng mga tao doon, sinisiguro ko kung ginagawa nila ‘yung mga kailangan.”

Hindi ba siya nagdalawang-isip na mapanood na walang damit pang-itaas habang nangangabayo?

“Sa atin, bilang pong isang artista, kahit ano pong ipagawa sa akin, gagawin ko. Pero depende na rin po, siyempre, pupunta po tayo sa usapan ng management at saka ng proyekto kung hanggang saan ‘yung pupuntahan.

“Pero bilang isang artista, handa po akong gawin lahat kasi, sa personal ko po, gusto ko rin mag-grow bilang isang aktor at masasabi ko pong napakagandang oportunidad na mapabilang sa number one show na teleseryeng ito sa Pilipinas na dito ko po huhubugin ‘yung sarili ko,” malumanay na paliwanag ng magiging tatay na isa sa mga araw na ito dahil manganganak na ang girlfriend niyang si Kylie Padilla.

Mabait ba o hindi ang karakter niya sa Probinsyano?

“Masasabi ko na may pagka-bad boy,” aniyang napangiti.