NI: Liezle Basa Iñigo
BURGOS, Pangasinan - Nagdulot ng malaking takot sa mga guro at mga estudyante ang pagdadala ng baril na kargado ng bala ng isang estudyante sa Grade 9 sa loob ng kanilang klase sa Burgos, Pangasinan.
Sa report kahapon mula sa tanggapan ni Senior Supt. Ronald Lee, director ng Pangasinan Police Provincial Office, nabatid na nagbitbit ang 16-anyos na estudyante ng Jose Rivera Bonsay National High School, na nasa Barangay Pogoruac, Burgos, ng isang home-made .9mm hand gun na walang lisensiya.
Nadiskubre ang naturang baril nang sitahin ang suspek matapos mapansin ang pagkakagulo ng kanyang mga kaklase.
Kasalukuyang may quiz ang klase nang ipakita umano ng binatilyo ang baril, na nasa loob ng kanyang bag, sa ilan niyang kaklase.
Nagkagulo ang mga kaklase ng suspek at nang lumapit ang gurong si Evelyn Cabalbag ay nakita niya ang baril.
Kaagad na ini-report sa barangay at pulisya ang baril—na may limang bala—na kinumpiska mula sa binatilyo.
Isinama na rin ang suspek sa pulisya para kuhanan ng salaysay.