NI: Mike U. Crismundo
TAGO, Surigao del Sur - Ipinag-utos kamakailan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año sa lahat ng commander ng field unit na wakasan na ang pangingikil ng New People’s Army (NPA).
Ipinag-utos din ng pinakamataas na opisyal sa AFP sa mga field commander na siguraduhin ang proteksiyon ng mahahalagang government at private installations at mga negosyo sa kanayunan mula sa pangha-harass ng NPA sa pamamagitan ng pangingikil.
“This must be stopped,” sinabi ni Año sa kanyang mga tauhan.
Sa harap ng mga field commander ng Northeastern at Northern Mindanao 4th Infantry (Diamond) Division ng Army, ipinag-utos din ni Año na i-neutralize ang natitirang mga lugar sa lalawigan na hina-harass pa rin ng NPA.
Ayon kay Año, ilulunsad sa lalawigan ang malawakan at matinding opensiba ng militar laban sa NPA pagkatapos ng krisis sa Marawi, dahil ilang batalyon ng Army ang ililipat sa lugar.