Nina MARY ANN SANTIAGO, FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD
Tinambangan at pinatay ng riding-in-tandem ang dating mamamahayag, na nagsilbi ring consultant ng Department of Finance (DoF), at kapatid nitong negosyante sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang mga biktima na sina Michael “Mike” D. Marasigan, 60, ng Barangay Onse at Christopher Marasigan, 50, ng Bgy. Sta. Lucia, sa San Juan.
Nabatid na si Michael ay dating reporter at naging editor ng Business World, video producer ng Living Asia Channel, PR man at consultant ng DoF.
Sa ulat ng San Juan Police, sakay sa Mazda (WOU-583) ang magkapatid at pauwi na sana mula sa kalapit na barangay nang pagsapit sa V. Cruz Street, malapit sa kanto ng Barcelona St., sa Bgy. Sta. Lucia, ay bigla na lang silang pinaulanan ng bala ng mga suspek na magkaangkas sa ‘di naplakahang motorsiklo.
Ayon kay Troy Chavez, saksi, napansin niya ang mga suspek na tila may inaabangan hanggang sa dumaan ang sasakyan ng mga biktima at sinundan ng mga suspek at pinagbabaril.
Dead on the spot si Michael, na nakaupo sa passenger seat, dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang si Christopher, na nagmamaneho, ay naisugod pa sa San Juan Medical Hospital ngunit namatay din dahil sa tatlong tama ng bala sa tiyan.
Mahigit sa 30 basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
SPECIAL INVESTIGATION GROUP BINUO
Bumuo ng Special Investigation Task Group ang Eastern Police District (EPD) na mag-iimbestiga sa pagkamatay ng magkapatid na Marasigan.
Sa isang panayam, sinabi ni EPD Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula na ang binuong SITG “Marasigan” ay makatutulong sa pagpapabilis ng imbestigasyon.
Sa ngayon, ayon kay Sapitula, hindi pa nila alam ang motibo sa pamamaslang ngunit hindi nila inaalis ang posibilidad na ito ay personal o may kinalaman sa trabaho.
“So far wala pa kaming nakikitang motibo. Titingnan namin kung ito ay work related or personal.” sabi ni Sapitula.