Ni: Reggee Bonoan

HINDI kataka-takang tumatagal sa telebisyon ang FPJ’s Ang Probinsyano dahil may makataong adbokasiya ang programa.

Ipinagdiwang ng Dreamscape Entertainment ang pag-ere ng seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin sa 100 Weeks sa pamamagitan ng bonggang presscon nitong Huwebes sa Le Reve Venue and Events Place sa Quezon City.

At sa loob ng 100 weeks ay mahigit sa isandaan na rin ang guests na pumasok sa FPJAP, ayon sa business unit head ng Dreamscape na si Mr. Deo T. Endrinal (DTE).

Human-Interest

KILALANIN: Mga alkalde ng Metro Manila na nasa huling termino na

YASSI SUSAN AT COCO copy

“Hindi na namin mabilang, pero more than 100 na at marami pang papasok,” nakangiting sabi ni DTE nang interbyuhin namin ni Bossing DMB.

Nabanggit ni DTE na pasok na rin sa programa si Paul Alvarez na kamakailan ay laman ng mga pahayagan dahil diumano’y pagkakasangkot sa droga.

At dahil hindi naman napatunayan, nakalalaya ang dating sikat na basketbolista ng PBA noong dekada 90.

“Lahat ng tao kailangan bigyan ng chance, lahat ng tao may pag-asa,” sabi ni DTE. “Magaling naman si Paul, hindi lang nakasipot ngayon.”

Oo nga, dahil siguro sa walang pinagkakaabalahan, kung saan-saan napapatambay. Sabi nga, kailangan lang ng focus.

“Marami na kaming nabigyan ng chance na muli silang mapanood sa TV, lalo na ‘yung mga hindi aktibo, ito ang talagang mensahe ng show, makatulong at the same time may mapanood na may magandang message,” sabi ni DTE.

Halos lahat ng artistang nag-guest at nawala na ang karakter sa number one primetime serye ay nagpapasalamat na napasama at napanood sila sa FPJ’s Ang Probinsyano. Higit sa lahat, nakatrabaho nila si Coco Martin na halos iisa ang kanilang impresyon, “mabait, matulungin at propesyunal.”

Hindi lang mga kasamahan sa entertainment industry ang pinasasaya ni Coco na tinatawag na ngayong King of Philippine Television dahil sa undisputed record ng FPJ’s Ang Probinsyano na magdadalawang taon nang walang makatalo sa ratings game.

Kamakailan ay nag-post ang aktor ng papuri sa mga sundalong lumaban sa Marawi. At bago ginanap ang 100 Weeks celebration ng programa ay dumalaw sa mga sundalong naka-confine sa V. Luna Medical Center ang cast ng FPJ’s Ang Probisyano.

Para mabigyan ng kasiyahan ang mga sugatang sundalo, doon ginanap ang ABS-CBN Saludo Sa Sundalong Pilipino at nag-abot na rin ng konting tulong sa kanila.

“Most of the injured soldiers requested na sana makita nila in person si Cardo (Coco),” sabi ni Major Marissa Narag, V. Luna Medical Center’s personnel management division chief.

“Sana nakapagbigay saya (kami) sa mga sundalo para mabigyan ulit sila ng lakas ng loob para sa kanilang kagitingan at katapangan na ginawa,” sabi ng aktor.

Sabi naman ng maybahay ni FPJ na si Susan Roces, “Matagal na naming gustong gawin ito, ang pagkakataon na makumusta at mapasalamatan ang ating mga sundalo na lumalaban para sa ating kapayapaan.”

Kaya may magtataka pa ba kung bakit number one ang FPJ’s Ang Probinsyano, e, karamihan ng Pinoy paborito si Coco dahil marunong siyang magpahalaga sa mga kababayan natin, lalo na sa mga sundalo na nagbabantay para mapanatili ang ating kapayapaan at kalayaan.