Ni: Genalyn Kabiling, Beth Camia, at Fer Taboy

Nakatakdang simulan ng gobyerno sa susunod na buwan ang pagtatayo ng paunang 1,100 pansamantalang pabahay para sa mga pamilyang naapektuhan ng krisis sa Marawi City.

Sinabi ni Task Force Bangon Marawi Spokesman Kristoffer Purisima na titiyakin ng gobyerno na ang mga transitional shelter, na itatayo sa 11-ektarya ng Barangay Sagonsongan, Marawi, ay mayroong supply ng kuryente, tubig, at pagkakakitaan.

“The construction of the initial 1,100 temporary shelter units shall begin by the first week of September,” sinabi ni Purisima, Assistant Secretary of the Office Civil Defense, sa ‘Mindanao Hour’ briefing kahapon. “The provincial government of Lanao del Sur has expressed strong support on the development of temporary shelters for the affected communities.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Itinakda na rin, aniya, ang pagpapatayo ng mga palengke, kalsada, at eskuwelahan sa lugar.

Aabot sa halos 500,000 ang naapektuhan ng bakbakan ng militar, pulisya, at Maute Group simula nang kubkubin ng mga teroristang tagasuporta ng Islamic State ang siyudad noong Mayo 23.

Samantala, inilunsad na kahapon ang “Bangon Marawi” sa ASEAN Foreign Ministers Meeting sa Conrad Hotel sa Pasay City.

Pinangunahan nina Communications Secretary Martin Andanar at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang “We Build Marawi” Forum at tinalakay ang pinaplanong rehabilitasyon sa Marawi, kasama ang iba pang miyembro ng Gabinete.