Ni: PNA
NAGLAHAD ang Department of Trade and Industry (DTI) ng tips upang matiyak ang seguridad sa usung-uso ngayon na online shopping sa hangaring maprotektahan ang mga mamimili mula sa mga scammer at iba pang manloloko at matiyak na hindi mauuwi sa wala ang perang kanilang pinaghirapan.
Kalakaran na ngayon ang electronic shopping (e-shopping) o pamimili online. Sa katunayan, maging ang mga kilalang shopping mall at establisimyentong pangkalakalan ay bukas na rin sa e-shopping upang matiyak na mapagsisilbihan ang milyun-milyong consumer sa bansa.
Gayunman, hindi perpekto ang online shopping. Dahil sa pagiging kumplikado ng teknolohiya sa ngayon, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kriminal na “techie” na samantalahin ang mga mamimiling hindi kasing dalubhasa nila sa larangan ng teknolohiya.
Ang unang security tip—na lohikal naman talagang gawin—ay ang paggamit ng mga password o code na mahirap hulaan o tsambahan kapag gumagawa ng account para sa online shopping, ayon kay Engr. Rolando Acuña, DTI-Region 9 assistant director.
Iginigiit din ng mga security expert na hindi tamang gumamit ng petsa ng kaarawan, o anumang may kinalaman sa user para sa password o codes. Sa halip, makabubuting gumamit ng kumbinasyon ng mga letra at numero.
“Using complicated passwords would make your account much secured. It will protect you from hackers and will save you from a lot of problems. Also it is best if you change your password regularly, say every year. This will really protect your account from hackers,” sabi ni Acuña.
Ikalawa, “only give required information” sa pamimili, dahil ang pagbibigay ng mga datos na hindi naman kinakailangan ay magbibigay sa mga hacker ng access sa account ng user.
Madali ring matutukoy ang mga nanloloko sa mamimili kung hindi kapani-paniwala ang napakababang presyo ng kanilang ibinebenta. Layunin nitong himukin ng scammer ang mga mamimili na kumagat sa kanilang pain—maaaring kapag nagbayad ang mamimili ay maglalaho na ang scammer, o kaya naman peke ang produktong ibinebenta.
Isa pang payo ni Acuña: “Check the Universal Resource Locator (URL) or website address” ng advertiser. Matitiyak dito kung tunay ang anunsiyo.
Mahalaga ring basahing mabuti at busisiin ang “terms, conditions, and payment methods”.
Payo pa ng security experts, piliin ang paraan ng pagbabayad na pinakaligtas para sa online shopper.
At sa huli, gaya ng anumang account sa online, importanteng mag-log out pagkatapos ng bawat transaksiyon.