Ni GENALYN D. KABILING

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na dodoblehin ang suweldo ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel sa pagtatapos ng taong ito.

Matapos ang ika-26 na anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Camp Aguinaldo nitong Miyerkules, inihayag ng Pangulo ang pagtataas sa suweldo ng mga pulis at sundalo bilang pagkilala sa kanilang hindi matatawarang serbisyo.

“You can be very sure, as I have promised also the soldiers and the police, that you will have the priority in spending. Kaya ‘yung mga suweldo n’yo lumaki na. Double the amount,” anang Pangulo.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

“And by the year’s end—if you’ll look at your paychecks now, it’s growing and growing—by the year’s end, pare-pareho na kayo halos. Doblado na ang suweldo n’yo,” dagdag ng Presidente.

Sinabi ni Duterte na ang planong umento sa mga sundalo at pulis ay nagbibigay-diin sa mahalagang tungkulin ng mga ito sa pagtiyak sa seguridad ng bansa.

“I intend to build a strong country, but I have to start with the Armed Forces, police at kayo all those connected—those in government especially connected in the protection of lives and property, pare-pareho,” ani Duterte.

Batay sa adjustments ng suweldo ngayong 2017, ang isang Police Officer 1 (PO1) ay tatanggap ng taunang suweldo na P473,625, kumpara sa P355,290 noong nakaraang taon.

Tatanggap naman ang Private ng P436,138 mula sa tinanggap nitong P342,936 noong 2016.

Huling bahagi ng nakalipas na taon nang simulan ang unti-unting dagdag-sahod sa mga pulis at sundalo, ayon sa media reports.

Una nang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ang kabuuan ng planong dagdag-suweldo sa mga sundalo at pulis ay maisasakatuparan sa Enero 2018.