Ni: AFP
NABABAWASAN nang malaking bahagdan ang protina sa mga pangunahing pananim gaya ng palay at trigo dahil sa tumataas na antas ng carbon dioxide dulot ng global warming, at ihahantad nito ang populasyon sa panganib ng growth stunting at maagang pagkamatay, babala ng mga eksperto nitong Miyerkules.
Sinabi ng mga mananaliksik na hindi pa rin nila nauunawaan kung paano o bakit inuubos ng carbon dioxide emissions ang protina at iba pang sustansiya sa mga tanim, ngunit ang misteryong ito ay tiyak na may masamang epekto sa buong mundo.
Karagdagang 150 milyong katao sa buong mundo ang nanganganib na magkaroon ng protein deficiency pagsapit ng 2050 dahil sa tumataas na antas ng carbon dioxide sa atmospera, ayon sa ulat sa journal na Environmental Research Letters.
Ang pag-aaral, pinamunuan ng Harvard University researchers, ang unang sumukat sa epekto ng global warming sa protina ng mga pananim.
Sa isa sa mga pangunahing hypothesis, maaaring itinataas ng carbon dioxide ang dami ng starch sa mga halaman, kaya nababawasan ang protina at iba pang sustansiya.
Ngunit sinabi ng pangunahing may-akda na si Samuel Myers, senior research scientist sa T. H. Chan School of Public Health ng Harvard University, na hindi sinusuportahan natutuklasan sa experiments ang teoryang ito.
“The short answer is we really have no idea,” aniya sa AFP.
Hindi lamang ang protina ang tinamaan. Ipinakita sa iba pang pananaliksik na nababawasan din ng tumataas na CO2 ang pangunahing minerals gaya ng iron at zinc sa mga pananim, na nagdudulot ng karagdagang nutritional deficiencies sa buong mundo.
Tinataya ng mga mananaliksik na pagsapit ng 2050, uubusin ng mas mataas na CO2 concentrations ang taglay na protina ng barley ng 14.6 porsiyento, bigas ng 7.6%, trigo ng 7.8% at patatas ng 6.4%.
“If CO2 levels continue to rise as projected, the populations of 18 countries may lose more than 5 percent of their dietary protein by 2050 due to a decline in the nutritional value of rice, wheat, and other staple crops,” saad sa ulat.
Umaabot sa 76% ng mga tao sa mundo ang umaasa sa mga halaman para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ng protina, partikular na sa mahihirap na lugar sa mundo.