NI: Ric Valmonte
WALANG mali sa operasyon ng pulis noong Linggo na ikinasawi ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at ng 5 iba pa, ayon sa Palasyo.
“Presumed regular ito. Kung mayroong nagrereklamo na tiwali ito, kailangan may mangyaring imbestigasyon,” pahayag ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra. Sa ngayon, aniya, ipinapalagay itong regular na operasyon. Pero para kay Kabayan Rep. Harry Roque, itinatadhana ng Philippine National Police (PNP) Operational Procedures na kinakailangan ipagbigay-alam agad ng team leader ng operating unit sa inquest prosecutor ang insidente upang tiyakin kung may naganap na foul play.
Hindi na kailangan pang may magreklamo na maanomalya ang nangyaring pagpatay upang magsagawa ng imbestigasyon. At hindi rin dapat limitado ang imbestigasyon kung may naganap na foul play. Para naaayon sa rule of law ang anumang imbestigasyon, na ang huling ulat ay isinasagawa na ng PNP-Internal Affairs Service (IAS), dapat alamin kung sinu-sino ang mga sangkot sa madugong operasyon upang masampahan na ng mga kaso. Walang kapangyarihan ang PNP-IAS o sinumang mag-iimbestiga na iabsuwelto ang mga sangkot na pulis dahil regular nilang ginampanan ang kanilang tungkulin.
Noong martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, nilikha niya ang Secret Marshals at Crimebusters na layong masawata ang mga holdapan sa mga pampublikong sasakyan. Dahil araw-araw ay may pinapatay ang mga pulis at militar na kasapi ng Secret Marshals at Crimebusters, kinuwestiyon namin sa Korte Suprema ang constitutionality ng mga ito. Sa mga kasong (Hildawa vs. minister of Defense, G.R. No. 67766 at Valmonte vs Integrated National Poilce, G.R. No. 70881, Aug. 14, 1985), sinabi ng Korte na ang masama rito ay iyong pinapatay ang mga “kriminal”. Kasi, kumikilos ang mga ito hindi lamang bilang mga law enforcer kundi bilang prosecutors, judges at executioners. Walang puwang, aniya, ang karahasan sa demokratikong lipunan. Kaya kung sa imbestigasyon, ayon sa Korte, ay nalaman na kung sino ang pumatay at inamin nito na siya ang pumatay sa biktima, dapat itong sampahan ng kaukulang kaso ng imbestigador at ang hukom ang maglilitis at magpapasiya kung ang pagpatay ay nangyari sa pagtatanggol sa sarili, kamag-anak o dahil sa pagganap sa tungkulin.
Ang akusado ang may obligasyong magpatunay ng alinman sa mga dahilang ito kaya nito napatay ang biktima upang siya maabsuwelto. Ang presumption of regularity sa pagganap sa tungkulin ay hindi maaaring gamiting depensa ng mga pulis.
Hindi kasi ito puwedeng manaig sa presumption of innocence ng mga biktima sa ilalim ng rule of law at demokratikong lipunan.