Malu Cadelina Manar at Mike Crismundo
KIDAPAWAN CITY – Inaresto kahapon ng mga awtoridad ang pangunahing leader ng New Peoples’ Army (NPA) sa Makilala, North Cotabato, dalawang araw matapos na madakip naman sa bayan ng Quezon sa Bukidnon ang sinasabing bomb expert ng kilusan, ayon sa militar.
Kinilala ni Col. Roberto Angcan, commander ng 1002nd Brigade, ang suspek na si Ariel Rebuta, alyas “Sering”, pinuno ng Yunit Militia (YUMIL) ng NPA Front 51.
Dalawang kasamahan ni Rebuta, kabilang ang anak niyang si Sergio, ang naaresto rin at nakapiit ngayon sa himpilan ng Makilala Municipal Police.
Ayon kay Col. Angcan, bitbit nila ang isang search warrant nang halughugin ang bahay ni Rebuta sa Barangay Biangan sa Makilala, bandang 1:00 ng umaga kahapon.
Nasamsam umano sa lugar ang nasa 10 kilong improvised explosive device (IED), mga detonating cord at electrical wires, 9-volt battery; tatlong M-16 rifles na may 1,500 bala; pitong mobile phone; at mga subersibong dokumento.
Martes ng umaga naman nang maaresto matapos ang engkuwentro sa Purok 8, Barangay Kiburiao sa Quezon, Bukidnon ang sinasabing bomb expert ng NPA na pansamantalang hindi pinangalanan.
Isa pang rebelde ang naaresto kasama ng bomb expert, ayon kay Capt. Joe Patrick A. Martinez, tagapagsalita ng militar.
Narekober ng militar mula sa dalawang rebelde ang isang 57 RR Recoilless Rifle, 24 na IED, dalawang .38 caliber revolver, 10-metrong safety fuse, 200-metrong detonating cord, limang blasting caps, mga switch boxe, tatlong laptop computer, 51 bala ng .30 caliber, mga gamit sa paggawa ng bomba, at mga subersibong dokumento.