Ni: Czarina Nicole O. Ong

Nasa hot water na naman si dating vice president Jejomar “Jojo” Binay at anak na si dating Makati mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., matapos ipag-utos ng Office of the Ombudsman na kasuhan sila ng graft at falsification kaugnay sa maanomalyang P1.3 bilyong procurement para sa Makati Science High School Building.

Ang nasabing gusali, matatagpuan sa Kalayaan Avenue sa Makati City, ay nakaplano bilang 10 palapag na ang apat na palapag ay gagawing dormitoryo. Gayunman, natapos lamang ito bilang 10 palapag na gusali.

Naglabas si Ombudsman Conchita Carpio Morales ng dalawang magkahiwalay na resolusyon noong Agosto 1 na nag-aakusa sa mga Binay ng apat na bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) at tatlong bilang ng falsification of public documents.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang matandang Binay ay idiniin sa kanyang pagkakasangkot sa simula ng proyekto, habang ang nakababatang Binay ay sa kanyang pamamahala sa huling bahagi ng building project.

Sinabi kahapon ni Joey Salgado, tagapagsalita ng pamilya Binay, na wala nang bago sa reklamo at nasagot na ito ng mag-ama.

“The allegations have been answered, but apparently disregarded by the Ombudsman,” aniya.