Ni: Reuters
NAGTAGUMPAY ang U.S. scientists na baguhin ang genes ng isang human embryo para iwasto ang disease-causing mutation, at maiwasang maipasa ang depekto sa mga susunod na henerasyon.
Ang milestone, iniulat sa dokumento na inilabas online nitong Agosto 2 sa Nature, ay kinumpirma noong nakaraang linggo ng Oregon Health and Science University (OHSU), na nakipagtulungan sa Salk Institute at Institute for Basic Science ng Korea para gamitin ang technique na tinatawag na CRISPR-Cas9 para itama ang genetic mutation sa hypertrophic cardiomyopathy.
Hanggang ngayon, ang mga nailathalang pag-aaral na gumagamit ng technique ay isinagawa sa China at may iba’t ibang resulta.
Ang CRISPR-Cas9 ay gumagana bilang isang uri ng molecular scissors na kayang piliin at alisin ang unwanted parts ng genome, at palitan ito ng bagong stretches ng DNA.
“We have demonstrated the possibility to correct mutations in a human embryo in a safe way and with a certain degree of efficiency,” sabi ni Juan Carlos Izpisua Belmonte, professor sa Gene Expression Laboratory ng Salk at co-author ng pag-aaral.
Upang maitaas ang success rate, ipinakilala ng kanyang grupo ang genome editing components kasama ang sperm mula sa lalaki na may targeted gene defect sa proseso ng vitro fertilization. Natuklasan nila na gumamit ang embryo ng available healthy copy ng gene para i-repair ang mutated part.
Natuklasan din ng Salk/OHSU team na ang gene correction nito ay hindi nagdulot ng anumang detectable mutations sa ibang parte ng genome – isang malaking alalahanin sa gene editing.
Gayunman, hindi pa rin 100 porsiyentong matagumpay ang teknolohiya. Pinarami nito ang bilang ng repaired embryos mula sa 50%, na likas na nangyayari, at naging 74%.
“There is still much to be done to establish the safety of the methods, therefore they should not be adopted clinically,” pahayag ni Robin Lovell-Badge, professor sa Francis Crick Institute ng London na hindi kasama sa pag-aaral.
Kamakailan ay lumambot ang National Academy of Sciences (NAS) ng Washington sa pagtutol nito sa paggamit ng gene editing technology sa human embryos, na nagdulot ng mga pangamba na maaari itong lumikha ng mga tinatawag na designer babies. Mayroon ding pangamba na magbubunga ito ng unintended mutations sa germline cells.
Binigyang-diin ni Izpisua Belmonte na marami pang pag-aaral ang kailangan para sa bagong teknolohiya.
“It is crucial that we continue to proceed with the utmost caution, paying the highest attention to ethical considerations,” aniya.