MAINAM ang pagtatakda ng mga palugit kung maisasakatuparan ang mga ito. Sakaling matupad ang palugit, pagkatapos ng masigasig na pagsisikap, masaya sa pakiramdam na may napagtagumpayan. Babaha ng mga pagbati at uulan ng papuri.
Kabaligtaran naman nito ang nangyayari kapag hindi naisasakatuparan ang deadline. Ang kabiguang maisakatuparan ito ay maaaring bunsod ng pagsulpot ng mga hindi inaasahang problema. O marahil sa umpisa pa man ay hindi na makatotohanan ang itinakdang palugit. Marahil hindi tamang nagtakda ng aktuwal na petsa na madali lamang masisilip sa kalendaryo.
Ang palugit na hindi naisakatuparan ay nangyari sa ipinangakong paglipol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Abu Sayyaf noong Hunyo 30, 2017. Noong Pebrero, nagbigay ang militar ng anim na buwan upang durugin ang Abu Sayyaf at pagsapit ng Abril, sinabi ng AFP na kumpiyansa itong maisasakatuparan ang deadline, dahil may tatlong buwan pa sila noon.
Ngunit sumiklab ang rebelyon sa Marawi City at kinailangan ng AFP na ituon ang halos buong puwersa nito sa paglipol sa mga terorista ng Maute Group na suportado ng mga mandirigma ng Islamic State mula sa ibang bansa, at may iisang layunin na magtatag ng caliphate sa Mindanao.
Nitong Linggo, iniulat ng pulisya ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na pitong magtotroso ang napatay at pinugutan — ang pangunahing paraan ng pamamaslang ng Abu Sayyaf — sa Basilan. Wala marahil nakapansin na ang orihinal na petsa sa pag-“neutralize” sa Abu Sayyaf — Hunyo 30 — ay nakalipas na, dahil nakatutok ang bansa sa rebelyon sa Marawi, na sinundan ng deklarasyon ng batas militar sa buong Mindanao upang matuldukan ito.
May isa pang deadline na inihayag nitong Linggo — na itinakda ng Philippine National Police (PNP). Binigyan ni Director General Ronald “Bato” de la Rosa ang mga police regional director sa bansa, partikular na sa Metro Manila at Luzon, ng 15 araw upang tuldukan ang “jueteng”. Binigyang-babala ang mga regional director na sisibakin sa puwesto kung mabibigong makatupad sa kanyang direktiba at sa deadline.
Ilang dekada nang namamayagpag ang jueteng, marahil dahil patok ito para sa mga karaniwang tao dahil maliliit lang ang tayaan. Naisip ng gobyerno na maglunsad ng Small Town Lottery (STL) sa pag-asang papalitan nito ang jueteng.
Ngunit hindi pare-pareho ang naging resulta; patuloy na namayagpag ang jueteng sa maraming dako ng bansa hanggang ngayon. Kung matutuldukan ito sa loob ng 15 araw? Malaki ang posibilidad na hindi ito magawa, kung ikokonsidera na rin ang nauna nang mga pagtatangka ng maraming administrasyon at puwersa ng pulisya upang maipatigil ito—ngunit pawang nabigo sila.
Isa itong hangarin na karapat-dapat na isakatuparan, isang moral objective. Ngunit sakaling makalipas ang 15 araw ay mananatili ang pamamayagpag ng jueteng sa mga lalawigan, posibleng sa ibang paraan, hindi dapat na magalit ang PNP chief sa kanyang mga regional director. Mangangailangan lamang marahil ng karagdagan pang pag-aaral, o mas masusing pagpaplano, isang mas makatotohanang palugit. Dahil ang pagsugpo sa jueteng sa bansa sa loob ng 15 araw ay lubhang hindi makatotohanan.