Ni: Mary Ann Santiago
Nakansela ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) dahil sa binahang riles sa bahagi ng Paco station sa Maynila, habang naantala naman ang biyahe ng Metro Rail Transit Line (MRT)-3 dahil sa magkasunod na aberya, dulot ng problemang teknikal, kahapon.
Sa abiso ng PNR, bandang 7:37 ng umaga nang kinansela ang biyahe ng tren mula sa Tutuban patungong Alabang dahil hindi madaanan ang riles sa Paco station dulot ng limang-pulgadang baha.
Ayon kay PNR Spokesperson Jocelyn Geronimo, bandang 8:40 ng umaga nang maibalik sa normal ang biyahe ng tren.
Samantala, muling nag-init ang ulo ng mga pasahero ng MRT-3 sa magkasunod na pagtirik ng tren sa kasagsagan ng rush hour.
Nabatid mula sa control tower ng MRT-3 na unang nagkaroon ng aberya ang tren bandang 7:49 ng umaga kaya pinababa ang mga pasahero sa Cubao station southbound.
Makalipas ang isang oras, bandang 8:47 ng umaga, muling tumirik ang tren nito sa southbound, sa pagitan ng Magallanes at Taft Stations.