Ni: Aaron B. Recuenco
Hinimok ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magkaisa laban sa ilegal na droga.
Ipinaliwanag ni Dela Rosa na ang pinaigting na kampanya ng Pilipinas laban sa droga ay maaaring magresulta sa pagiging dumping ground o tapunan ng shabu ng mga katabing bansa nito.
“They are our neighbours, it is possible that those drugs which did not enter in the country may be delivered to them,” ani Dela Rosa.
Ayon sa kanya, itinuturing na ng mga sindikato ng droga na mapanganib ang Pilipinas sa kanilang negosyo kayat maaaring tumigil ang mga ito sa kanilang ilegal na gawain o maghahanap ng ibang lugar na mas ligtas para maipagpatuloy ang kanilang illegal drugs trade.
Nauna rito ay nagpahayag ang Indonesian anti-narcotics agency na apektado ang kanilang bansa sa all-out war laban sa ilegal na droga ng Pilipinas.
Nakikita ni Dela Rosa na ipatutupad ng gobyerno ng Indonesia ang anti-drugs war policy ng Pilipinas.
“Their president is inclined to copy what we are doing, their chief of police, has also an inclination to also do that,” aniya.