Ni REGGEE BONOAN

“TO my Tito Alfie, thank you for being more than a manager & thank you for your love. I’m sorry for the pain. Guide us always. I Love You, Judai.”

Ito ang huling mensaheng isinulat ni Judy Ann Santos para sa kanyang long-time manager na si Alfie Lorenzo sa lamesang may telang puti at saka nagsindi ng kandila.

ALFIE copy copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sinulat niya ito habang kini-cremate ang mga labi ng kilalang talent manager at kolumnista nang isa-isang magpahayag ng saloobin ang lahat ng mga kaanak, mga kaibigan at naging alaga ni Tito Alfie.

Bago dinala sa Arlington crematorium ay pumayag na si Judy Ann na kunan ng media ang labi ni Tito A dahil ito naman daw ang gusto ng dati niyang manager, nasa limelight parati.

“’Yun ‘yung bulong ko sa kanya, na I hope he’s happy na ‘yung gustong mangyari is matutupad naman,” sabi ni Juday nang makapanayam ng reporters sa huling gabi ng lamay. “I’m very thankful and very grateful na at least sa huling sandali ay naibigay namin ang gusto niya.”

Ano ang hindi makakalimutan ni Judy Ann sa mahigit dalawang dekadang samahan nila ng kanyang manager?

“Siya mismo! ‘Yung kabuuan niya, imposibleng makalimutan mo si Tito Alfie, di ba? ‘Yung pangalang Alfie Lorenzo kahit naman hindi mo siya kilala alam mo kung sino siya, good or bad he’s still the Alfie Lorenzo and malaki ang nai-contribute niya sa industriya natin. Marami siyang napakagagandang memories na nabuo rito sa industriya,” sagot ng aktres.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay nagkaroon ng love-hate relationship sina Juday at Tito A, pero sa huling sandali ay ang aktres pa rin ang umasikaso ng lahat ng pangangailangan ng dating manager.

Naging maayos ba ang paghihiwalay nila, dahil may bulung-bulungan nga na hindi raw maayos?

“Wala naman talaga, kaya lang siguro when he passed, wala akong emosyon na mayroon akong parang panghihinayang or something kasi ako naniniwala ako sa sarili ko na maayos kaming nag-usap, maayos kaming nagpaalaman, kasi iyon ang sinigurado ko. Hindi lang naman siya basta manager, he’s more than a manager to me and to my brother (Jeffrey). So ako nakalma na lang din ako na knowing na hindi siya nahirapan,” pahayag ng aktres.

Sa eulogy, binanggit ng nag-iisang kapatid na babae ni Tito Alfie na ito ang tumayong tatay sa magkapatid na Santos noong panahon na wala sa bansa si Mommy Carol Santos dahil nagtatrabaho sa Canada.

“Totoo naman ‘yun, si Tito Alfie tumayo siyang tatay sa aming magkakapatid kasi the most important moments of our lives, nandiyan talaga siya -- Pasko, Bagong Taon, graduation, communion, nandiyan talaga siya.

“Of course it brings back a lot of memories. Napapangiti ako dahil nakakatuwang isipin na isa ka sa mga naabala at inabala ni Tito Alfie sa panahong he’s really in top of the game.

“I’m very thankful na malaking parte talaga si Tito Alfie sa akin, hindi lang sa karera kundi sa kabuuan sa aming magkakapatid (Jeffrey, Jackie at Juday),” kuwento ni Budaday.

Pinasalamatan ng aktres ang lahat ng mga taong dumating sa burol at nakiramay dahil ito talaga ang gusto nito.

“Alam n’yo naman si Tito Alfie, ito ang gusto niya. Alam n’yo naman na gusto niya kapag pumapasok siya na lahat ng atensiyon nasa kanya. Kaya pumayag na rin ako na magkaroon ng media coverage ‘yung mass kasi alam kong ito ang gusto niya, alam kong gusto rin niya na makita ng buong mundo kung ano’ng nangyayari sa kanya at mabalitaan ng buong mundo kung ano ang ginagawa rito. Kasi iyon siya as a person, kaya nag-allow na rin ako ng coverage at media interviews,” paliwanag ng aktres.

Naikuwento rin ni Juday ang pagiging artist ni Tito Alfie, na kasabayan pala nito ang National Artist na si Mauro ‘Malang’ Santos na sumakabilang-buhay na rin nitong nakaraang Hunyo, sa edad na 89.

“Si Tito Alfie was an artist, ka-batch niya sina Malang, as in. He funded in college when he’s doing paintings pa, so sayang. Doon ako nanghinayang na hindi ko nakita ‘yung works of art niya. Siyempre hindi pa ako ipinapanganak noon kaya imposibleng makita ko, pero sana nito palang mga panahong nasa bahay lang siya, naisip niyang mag-paint ulit kasi it’s something na hindi alam ng mga tao, na painter siya, boksingero siya – Mr. Luzon siya, jack of all trades basically si Tito Alfie, hindi alam ng mga tao.

“Ang alam lang ng mga tao, isa lang siyang gerilyang reporter at manager. Pero he’s more than that. He has a big heart, marami siyang nasasaktan, pero mas marami rin naman siyang natulungan, I can attest to that,” kuwento ng aktres.

Hindi na raw makikitang ni Tito Alfie ang paglaki ng mga anak nila ni Ryan Agoncillo na sina Yohan, Luchio at Luna.

“Si Yohan lang kasi ang nakakita kay Tito Alfie, hindi na siya nagkaroon ng chance na magkaroon ng moment with Lucho and Luna kasi at that time, medyo nagkakaroon na rin kami ng problema as talent and manager.

“Si Yohan nu’ng time na dinadala ko sa kanya baby pa rin naman, ‘tapos lumipat na kami sa South. Pero nu’ng ipinanganak si Lucho, nu’ng umuwi na kami, siya ‘yung unang tao kong pinapunta sa bahay kasi unang apo niya sa unang pagkapanganak ko, so ‘yun ‘yung promise ko sa kanya. Kasi hindi ‘yan pupunta sa hospital not unless kailangan ko siyang papuntahin doon. So, ‘pinasundo ko siya at nakita niya si Lucho, si Luna ang hindi niya nakita at all,” kuwento ng aktres.

Samantala, mahigpit na ipinagbilin ni Tito A na i-cremate siya kapag pumanaw siya dahil ayaw daw niyang nakikita siyang nasa kabaong, bagamat hindi kaagad nangyari dahil marami ang may gustong makita siya sa huling sandali niya.

Hindi rin sana pumayag noong una ang mga kaanak ng talent manager na i-cremate siya pero naunawaan nito ang kahilingan kalaunan.

Umaga kahapon, inihatid na ang abo ni Tito A sa bayan niya sa Porac, Pampanga.

Ang ilan sa mga nakita naming nagtungo sa huling gabi ng burol ni Tito Alfie ay sina Bacoor Mayor Lani Mercado–Revilla, Ricky Davao, Lito Pimentel, Direk Elwood Perez, Jordan Castillo, Rey at Jojo Abellana, Alden Richards, at si Jeffrey Santos. Naroon din ang PAMI, samahan ng talent managers.

Nagpadala naman daw ng bulaklak si Mother Lily Monteverde, Nora Aunor at Sharon Cuneta.