NAKATAYA ang kabuuang US$100,000 premyo sa 8th Aboitiz Invitational, sa ikapitong sunod na taon ay kick-off leg ng Philippine Golf Tour Asia (PGTA), na gaganapin sa world-class Manila Southwoods Golf and Country Club sa Carmona, Cavite sa Agosto 15-18.

Mahigit 100 golfers, kabilang ang mga premyadong Tour veteran sa buong Asya, ang sasabak sa taunang torneo na inorganisa ng Pilipinas Golf Tournaments, Inc (PGTI) sa pakikipagtulungan ng Aboitiz Equity Ventures, Inc. (AEV).

“We are looking forward to working with PGTI again, with whom we share a strong relationship with. Aboitiz is honored to stage this sporting event that continues to bring out the best in our athletes,” pahayag ni AEV President and CEO Erramon I. Aboitiz.

Sinimulan ni Aboitiz ang torneo noong 2010.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakopo ni Filipino golf superstar Jay Bayron ang kampeonato sa nakalipas na taon sa makapigil-hiningang duwelo laban kay Malaysian golfer Gavin Green sa Wack-Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.

Target ni Bayron ang ikatlong Aboitiz title. Nakopo ng pambato ng Davao ang kickoff leg ng torneo sa Cebu Country Club. Nakamit ni Elmer Salvador, isa pang paboritong anak ng Davao, ang sumunod na dalawang edition sa Cebu bago nasungkit ng isa pang Davaoeno na si Tony Lascuña ang titulo noong 2014 sa Riviera.

Sa bihirang pagkakataon sa local tour, sumabak si Japan PGA Tour-based Juvic Pagunsan at nagwagi noong 2015 sa Southwoods.

Ipinagmamalaki ni PGTI chairman and president Ricky Razon ang katuparan ng kanyang pangarap na matulungan ang mga lokal player na makalaro sa isang world-class golf tournament.

“The PGTA should serve as a great platform for budding golfers to hone their talent and skills and advance their careers. We are happy to do our part in helping these players,” pahayag ni Razon.

Samantala, ipinahayag ng PGTI ang isasagawang PGTA Qualifying School sa Aug. 9-12 sa Luisita Golf and Country Club sa Tarlac kung saan ang mangungunang 80 players matapos ang 36 holes ay uusad sa final two rounds, habang ang mangungunang 60 sa finals ay mabibigyan ng slots para sa PGTA.

May entry fee na US$400 (P20,000).

Host ang Luisita sa second leg sa Sept. 6-9 para sa Central Azucarera de Tarlac Open bago lumusong sa Riviera para sa ICTSI Riviera Championship sa Sept. 13-16.

Ilalarga ang susunod na leg sa Wack Wack East sa Nov. 15-18 para sa ICTSI Wack Wack Challenge, habang ang Splendido ang host sa Nov. 29-Dec. 2 event bago ang final leg sa Dec. 6-9 sa hindi na tinukoy na venue.

Para sa katanungan at karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa PGTI (049) 554-9600 at (632) 245-4101 o bisitahin ang www.pgt.ph.