SA patuloy na pamamayagpag ng Sunday Pinasaya bilang bagong noontime habit ng mga Pinoy, masaya at engrandeng episode ang ihahandog sa Kapuso viewers sa pagdiriwang ng ika-2 anibersaryo ng programa.
May tema na “Puso ng Saya, Saan Man Sa Mundo,” ipapakita ng buong cast ng Sunday Pinasaya ngayong Agosto 6 kung paano sila magbigay ng saya at tuwa sa bawat Pilipino saan mang panig ng mundo kasama ang ilang bigating celebrity guests.
Ipakikilala rin nila ang pinakabagong segment na “Show Na Ni Juterte: Ang Pa-Concert ng Pangulo” bida sina Pangulong Rodney ‘Dugong’ Juterte (Jose Manalo) at General Ibato (Wally Bayola). Ibibirit nila ang kakaibang atake sa mga tanyag na Filipino folk at nursery songs kasama ang special guest na si Janno Gibbs.
Tampok din sina Jennylyn Mercado at Gil Cuerva ng My Love From The Star sa isang comedy sketch na pinamagatang “Balikbayan Bex”. Kuwento ito ng magbabarkada na nag-aral sa all-boys school (Wally Bayola, Andre Paras, Joey Paras, Jerald Napoles at Kim Last) na naging beki lahat. Nagbabalik sila sa Pilipinas upang bumisita sa lamay ng kanilang dating teacher. Isang tsika ang ikagugulat ng magkakaibigan nang magpakilala sa kanila ang isang magandang babae na si Janice (Jennylyn). Ano ang lihim na kanyang ibubunyag?
Samantala, bibirit naman ang My Korean Jagiya star na si Edgar Allan Guzman sa “Kantaserye Presents Casa Buslo” at makikipag-showdown pa kay Julie Anne San Jose.
Tampok naman sa “Captain Barbie” sina Marian Rivera at Ai Ai delas Alas na gaganap bilang veteran stars na gustong bumalik sa kasikatan. Gagawin nila ang lahat para makamit ang inaasam na kasikatan at magpapatalbugan sa harap ng batikang direktor na gagampanan ni Ricky Davao.
At sa kauna-unahang pagkakataon, magsasama sina Alden Richards at Ruru Madrid sa “Madramrama: Yakapan (Yaya, Kapatid, Anak)” bilang magkapatid na madalas mag-iringan. Titindi ang kanilang hidwaan nang maakusahan si Emmanuel (Ruru) sa krimen na hindi niya ginawa. Dahil dito ay isang sekreto ng pamilya ang mabubunyag. Maayos pa kaya ang kanilang di-pagkakaintindihan?
Dapat ding abangan ang espesyal na acapella song number ng in-house performer na si Julie Anne San Jose kasama sina Christian Bautista, Aicelle Santos at Edgar Allan Guzman.
Punumpuno ng saya ang anniversary celebration ng Sunday Pinasaya ngayong Linggo, pagkatapos ng Del Monte Kitchenomics sa GMA.