Ni: Bert de Guzman

SA pagkamatay (hindi pagkasawi) ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr., umano’y drug lord kasama ang 14 na iba pa, may aninag ng pag-asa na nasisilip ang taumbayan na tototohanin na ng Duterte administration at ni PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa ang paglipol sa illegal drugs upang hindi lang ang mga nakatsinelas na drug pushers at user ang kanilang itinutumba kundi maging ang drug lord-suppliers.

Si Parojinog ay isa sa umano’y mahigit sa 200 narco-politicians na nasa listahan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), kabilang ang mga governor, congressman at matataas na lider ng gobyerno. Mahigit sa 1,000 ang barangay captain na sangkot din umano sa illegal drugs kaya ayaw ni Mano Digong na matuloy ang barangay elections dahil ang mananalo lang daw ay iyong may pera na galing sa bawal na gamot.

Ang hinihintay ngayon ng mga Pilipino ay kung sino ang isusunod ni Gen. Bato at ng kanyang mga pulis kay Parojinog.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

May isusunod kaya silang gobernador o kongresista? May nagtatanong kung meron ding senador na sangkot sa droga bukod kay Sen. Leila de Lima, matinding kritiko ni PRRD, na ngayon ay nakakulong sa Camp Crame. May isa akong kaibigang journalist na nagko-cover sa Camp Aguinaldo at Camp Crame na minsang nagsabi sa akin na may isang senador na noon pa ay nasa listahan ni ex-PDEA Gen. Dionisio Santiago. Ang listahan ni Santiago, dating AFP chief of staff, ang malimit pagbatayan ni Pres. Rody hinggil sa kung sinu-sino ang mga pulitiko (narco-politicians) na “kumikita” ng limpak-limpak na pera mula sa ilegal na droga.

Samantala, may mga balitang si Peter Lim, na kabilang sa pitong high-value trafficking suspects, ay nahaharap sa kaso ng droga. Si Lim ay minsang binantaan noon ni PRRD na siguradong mamamatay sa sandaling lumabas sa eroplano sa NAIA. Hindi ito nangyari sapagkat nakausap pa nga niya nang personal ang pangulo sa Malacañang in the South, at pinayuhan siyang magtungo sa NBI para imbestigahan.

Ayon sa mga ulat, si Peter Lim na isang negosyante mula sa Cebu at naging campaign supporter ni PDU30, ay nakaalis na sa bansa. Bukod kay Lim, ang nahaharap sa drug raps ay sina Kerwin Espinosa, presong si Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro, Lovely Adam Impal, Roel Malindangan at Jun Pepito. Sana ay ituloy na ni Gen. Bato ang pagtutumba sa mga drug lord at supplier upang maniwala ang mga Pinoy na seryoso at sinsero si Pres. Rody na sugpuin ang illegal drugs na sumisira sa utak at kinabukasan ng mga kabataang Pilipino na ayon kay Rizal ay “Pag-asa ng Bayan.”

Patuloy ang bungangaan (word war) ng dalawang matanda, este nina Joma Sison (78 anyos) at Mano Digong (72 anyos), tungkol sa pagkansela sa peace talks, extension ng martial law sa Mindanao, at pagpatay sa ordinaryong mga tulak at adik. Ang sabi ni PDU30, dapat nang umuwi si Joma sa ‘Pinas at dito makipaglaban, at hindi sa The Netherlands tumira samantalang ang mga NPA ay nakikipagbakbakan at nagugutom. Duwag daw si Joma.

Tinawag ng Pangulo na matanda at sinabing may grabeng sakit (colon caner) si Joma na dati niyang propesor. Itinanggi ito ni Joma at sinabing ang sakit niya ay arthritis lang at allergy. Bilang ganti, inakusahan niya si PRRD na “numero unong drug addict” sa Pilipinas na tumitira ng fentanyl, isang malakas na gamot na posibleng sumira sa katinuan ng isip ng gagamit nito.

Kahit isang Bisaya, nakatutuwang malaman na mahal pala ni Pres. Rody ang Wikang Pambansa. Noong Lunes, binanggit niya ang kahalagahan ng Filipino language sa pambansang pagkakaisa. Sa kanyang mensahe sa Buwan ng Wikang Pambansa (National Language Month), sinabi niyang sa pamamagitan ng pagkakaisa, nagawang maigpawan ng mga Pinoy ang mga hamon sa unang taon ng kanyang panunungkulan.

Gumamit ng Wikang Filipino, sinabi niyang nagkaroon ng mahalagang gampanin ang Filipino sa pagpapanatili ng pagkakaisa. “Napagkaisa tayo ng wikang pambansa habang sinisikap nating matamo ang kapayapaan, development at progreso sa ating lipunan.” Ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayon ay “Filipino: Wikang Mapagbago.”

Malimit din niyang gamitin ang Wikang Pilipino sa mga pagbibiro at pag-pu....Ina sa kanyang kinaiinisan. Dito siya sumikat. Mabuhay ang Wikang Filipino. Gamitin, salitain, sulatin at paunlarin natin ito. Kung gusto natin, pag-aralan at gamitin din natin ang English o ang Chinese at Russian dahil kinakaibigan ni PRRD ang China at Russia ngayon!