NI: Bella Gamotea
Nag-panic ang daan-daang pasahero ng Light Rail Transit (LRT)-1 matapos maamoy ang usok ng kuryente sa loob ng tren, sa gitna ng Monumento station southbound, sa Caloocan City kahapon.
Base sa ulat, huminto ang isa sa mga tren ng LRT-1 dahil sa pagpihit ng emergency lever kaya kanya-kanyang diskarte sa paglabas ang mga natarantang pasahero at naglakad patungong Monumento station, bandang 8:00 ng umaga.
Walang naiulat na nasaktan sa aberya.
Sa pahayag ni Rod Bulario, operation director ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), isang pasahero ang nakaamoy ng umuusok na wiring hanggang sa nag-panic ang ilang pasahero at hinila ang emergency lever.
Nanawagan ang LRMC sa mga pasahero na habaan ang pasensiya habang kinukumpuni ang mga tren.
Agad namang naibalik sa normal ang operasyon ng LRT-1 makalipas ang ilang minuto.