Tatlong mga siklista na nakatakdang kumatawan sa bansa sa darating na Southeast Asian Games ang magkakaroon ng final tune up kontra sa mga bigating riders na kinabibilngan ni Tour de France Champion Chris Froome,Nairo Quintana , Fabio Aru at iba pang mga World Tour campaigners sa susunod na linggo sa kanilang pagsabak sa Astana Expo International Criterium sa Kazakhstan.
Sa ikalawang pagkakataon ngayong 2017, kasunod ng kanilang pagsabak sa nakaraang Herald Sun Tour sa Australia , muling mararanasan ng mga riders ng continental team na 7-Eleven Road Bike Philippines ang mga tinaguriang World’s best sa larangan ng cycling na gaya nina Froome sa Agosto 12.
Ang nag-iisang continental team ng bansa ay isa sa mga inimbitahan para makasama ng 14 pang Professional Teams sa high-level UCI race kasama ng anim na World Tour at 5 National squads.
Ang tatlong SEA Games bound riders na miyembro ng 7-Eleven team ay sina Marcelo Felipe, Rustom Lim at Dominic Perez.
Ngunit bago ang criterium sa Kazakhstan, nakatakdang sumabak ang mga siklista kasama ng tatlo pang kakampi na sina Jesse Ewart, Nelson at Bonjoe Martin sa Biyernes sa Tour of Dali Lake sa China.
Samantala, hindi naman umano natatakot ang mga riders sa posibleng burn out o pagkasunog ayon kay team director Ric Rodriguez.
Maayos aniya nilang minomonitor ang recovery ng kanilang mga riders kada tapos ng karera at ang periodization ng kanilang training program.
Samantala, naiwan naman ang isa pa nilang kakampi na si Mark John Lexer Galedo upang makapag-focus sa kanilang ginagawang Team Time trial training para din sa SEA Games.