Ni NORA CALDERON

ISANG malaking rebelasyon ang pinakawalan ni Ryza Cenon sa grand presscon ng pelikula niyang Ang Manananggal Sa Unit 23B.

Nauna nang ipinalabas ang indie film sa QCinema Film Festival ng Quezon City last year. Pero ngayon, dahil sa magagandang reviews, muli itong nakasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino, gaganapin sa August 15 to 22, at mapapanood sa mga sinehan nationwide, R-16. Produced ang Manananggal ng IdeaFirst Company nina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan. Hindi itinago ni Direk Jun at ng scriptwriter na si Jen Chuaunsu at Direk Prime Cruz na nagkaroon sila ng additional scenes at binago ang musical scoring, kaya lalo pang mas maganda itong version na ipalalabas nila ngayon.

Martin, Ryza, Jen at Prime copy

Trending

Reklamo ng isang ina sa guro: tinali na, tinapalan pa ng tape bibig ng anak niya?

First movie ito ni Ryza na napaka-daring ng ginagampanang role. Dumaan siya sa audition na noong una ay ayaw sana niyang puntahan dahil nagti-taping siya ng Alyas Robin Hood as guest.

“Pero manghihinayang pala ako kung hindi ako ang nakuha sa role, dahil parang naging hulog ng langit sa akin ang pelikulang ito,” sabi ni Ryza.

“Ito ang biggest break ko at hindi siya aswang para sa akin kundi isang anghel na naglipad sa akin paitaas para mapansin na ako. Nang panahon na ‘yon dumaraan ako sa struggles sa buhay ko, sa work, sa sarili ko.

“Isa po akong introvert, kaya kung anuman ang nangyayari sa akin, hindi ko isini-share, sinasarili ko lang, may time na sa depression ko, nakaisip na akong mag-suicide, pero sa painting ko nailabas ang mga gusto kong sabihin.”

Pinalaki raw siya ng lola niya, kaya hindi siya nasanay na lumabas-labas, na ginagabi sa kalye. Kahit noong time na nanalo na siya sa Starstruck, work at bahay lang siya.

Dahil sa magagandang review sa acting niya sa Manananggal, maraming projects ang dumating sa kanya kasama na ang meaty role niya sa Ika-6 Na Utos.

Ipinagmamalaki siya ng lola niya sa magagandang feedback sa acting niya sa Ika-6 Na Utos. Pero alam ba ng lola niya ang ginawa niyang pelikula ay may sex scenes at masturbation scene siya?

“Siguro po kapag muling ipinalabas itong Ang Manananggal sa Unit 23B, mas ipagmamalaki ako ng lola ko, pero huwag na po lamang ninyong sabihin sa kanya ang sex scenes na ginawa ko. Tulungan po ninyo kaming malaman ng mga manonood kung gaano kaganda ang movie namin.”

Hindi nakatiis ang entertainment press na usisain ang nabanggit niyang suicide attempt.

“Inipon ko po iyong silicon grains ba ‘yun, iyong inilalagay sa bag at sapatos, inilagay ko sa hot water, pero bago ko ininom, nagpaganda muna ako, para maganda ako kapag namatay. Pero thank God, nakatulog lang ako, wala namang nangyari sa akin. That time nasa Starstruck na ako at hindi ko na makaya ang intriga sa amin nina Jennylyn Mercado at Mark Herras.

“Pero talagang that time, kung anu-ano na ang ginagawa ko sa sarili ko, minsan sinasaktan ko ang sarili ko, inuuntog ko sa pader ang ulo ko. Mabuti na lang nakapag-isip-isip na ako ngayon. At madasalin po naman ako, nagpupunta ako sa Baclaran at kinakausap ko Siya. Sabi ko, kung hindi ko na makakaya ang nangyayari sa akin, hihingi na ako ng medical help. Pero sa Kanya pa lang, nabago na ang lahat sa akin.

“Sa pamamagitan ng pelikulang ito, gumanda ang career ko, naging number one sa afternoon prime ang drama series ko, nagkaroon ako ng lovelife na laging nandiyan sa tabi ko kung kailangan ko siya (si Cholo Barretto). At promise ko po na hindi ko na uulitin iyong mga ginawa ko, focus na lamang ako sa career ko.”

Naikuwento rin ni Ryza na pinag-isipan niya nang husto kung gagawin niya iyong masturbation scene. Tinanong niya si Direk Prime kung kailangan talagang gawin. Nang sabihin sa kanya na crucial sa movie ang naturang eksena, nagkulong siya sa tent nila sa shooting at tinanong ang sarili kung kaya niyang gawin iyon. Parang sagot daw ng sarili niya sa kanyang tanong: “Ginusto mo ‘yan, gawin mo.”

Humingi siya ng advice kina Jen at Direk Prime at sa leading man niyang si Martin del Rosario. Hindi pa sila magkarelasyon noon ng co-star din nilang si Cholo na isa sa naka-sex scene niya. Kaya nabiro tuloy si Ryza na kaya pala naging sila ni Cholo, dahil sa Ang Manananggal sa Unit 23B.