Ni: Liezle Basa Iñigo
URDANETA CITY, Pangasinan - Nasa kalagitnaan ng trapiko at sakay sa kanyang Toyota Fortuner ang isang retirado sa US Army nang pagbabarilin sa Manila North Road sa Barangay San Vicente, Urdaneta City, Pangasinan, nitong Martes ng umaga.
Sa report mula kay Supt. Neil Miro, hepe ng Urdaneta City Police, iniimbestigahan na ang pagpatay kay Danilo Cariaga, 68, ng Zone 1, Bgy. Carosucan Sur, Asingan.
Dakong 10:00 ng umaga nitong Martes at nasa passenger seat si Cariaga kasama ang kanyang driver nang lapitan at barilin ng isang nakamotorsiklo.
Ayon kay PO3 Alberto Quiros, tanging isang pamangkin at mga kasambahay ang kasama ni Cariaga sa bahay nito, at ang buong pamilya ay nasa Amerika na.