NI: Marivic Awitan

Mga laro ngayon

(Ynares Sports Arena, Pasig)

(Quarterfinals)

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

3 p.m. - Batangas vs CEU*

5 p.m. - Tanduay* vs Marinerong Pilipino

* - twice-to-beat

Taglay ang nakopong twice-to-beat incentive makaraang tumapos na third at fourth sa nakaraang eliminations, parehas magtatangka ang Tanduay at Centro Escolar University na makasalta ng semifinals sa pagsabak nila ngayong hapon sa playoffs ng 2017 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Makakasagupa ng Rhum Masters sa tampok na laban ganap na ika-5:00 ng hapon ang Marinerong Pilipino matapos ang unang salpukan ganap na 3:00 ng hapon sa pagitan ng CEU at ng Batangas.

Kahit na may bentahe, inaasahang hindi magiging madali para sa Rhum Masters at Scorpions ang makamit ang hangad na tagumpay dahil tiyak na pipilitin silang masingitan ng Batangas at ng Skippers.

Bagamat nakapaok na no.3 seed, hindi kumbinsido si Rhum Masters coach Lawrence Chongson na mayroong bentahe ang kanyang koponan na pinamumunuan nina Lester Alvarez at Paul Varilla kontra sa Skippers .

“To be honest, I’ve been here a long time and I’ve seen a lot of things happen. Sa pinapakita ng team ko, we might have a hard time contending,”wika ni Chongson.“Aasa kami sa swerte at talbog ng bola, but I think we can squeeze it out naman sa quarters.”

Pinagbasehan ni Chongson ng kanyang rason ang 76-74 na panalo nila sa Skippers noong Hunyo 19 kung saan nagawaran lamang ng technical foul ang big man ng huli na si John Lopez na siya nitong ikinatalo.

Umaasa naman si Marinerong Pilipino coach Koy Banal na natuto sa nasabing pagkabigo ang kanyang koponan at magawa nilang itama ang kanilang mga pagkakamali upang makahirit ng winner-take-all game.

Tinatayang isang bagong koponan ng Skippers ang matutunghayan ngayon sa pangunguna ni Mark Isip matapos nilang ipanalo ang huling limang laro sa elimination bukod pa sa pagkakadagdag sa kanilang line-up ng dating Wang’s Basketball topgun na si Fil-Am Robbie Hernodon.

Pero binigyang babala ni Banal ang Skippers na huwag mamaliitin ang kanilang kalaban. “Ibang klase na ang playoffs and it’s not going to be smooth sailing for us. But we’ll bank on our veterans who’ve been there before. We’ll just keep on believing.”

Pinag-aralan namang mabuti ni coach Yong Garcia ang katunggali nilang Batangas na ibang-iba na rin ngayon kumpara sa koponang tinalo nila noong nakaraang Hunyo 15 sa iskor na 72-70.

“Sa ngayon, naka-focus kami sa preparations namin. We can’t worry about other things but yung preparation talaga against sa Batangas,”ani Garcia na muling sasandig kina Rod Ebondo at JK Casiño para pangunahan ang CEU.

Sa panig naman ni Batangas coach Eric Gonzales, diretsahan nitong sinabi na wala namang ibang aasahan ang kanyang koponan kundi ang kanilang matapang at palabang pointguard na si Cedric de Joya at mga bagong recruits na sina Robby Celiz at Leo Avenido.

“Mahirap ito para sa amin, pero maganda ang expectations sa amin ng mga bosses at syempre, ilalaban natin yan,”pahayag ni Gonzales.