Ni: Erik Espina

ILANG libong krimen na ba ang kasalukuyang (Agosto 2017) naitala ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa riding-in-tandem (RIT)? Kung pagbabatayan ang mga nagdaang taon; taong 2010 ay 1,819 ang naging biktima, sa 2011 ay 2,089 at sa 2013 ay umabot sa 3,000 ang nadantayan ng mala-Hudas na pagkasangkapan sa motorsiklo upang agarang makaiwas sa mata at kamay ng batas. Kung susumahin ang nakalipas na 10 taon, malinaw pa sa nakasalamin na kailangan na talagang magkaroon ng batas hinggil sa mga ganitong uri ng krimen.

Naghain ng panukala si Senador Richard Gordon, ang Senate Bill 1397, na ang layunin ay “Motorcycle Crime Prevention Act of 2017”. Nakasaad sa nasabing panukala ang pag-atas sa LTO na maglabas ng mas malapad na plate number – tulad sa ibang bansa – sa harapan at likuran ng mga motorsiklo at scooter. Ang mga numero ay dapat reflectorized at madaling mabasa mula sa layong 12-15 metro. Dapat ang bawat rehiyon ay may iba’t ibang kulay upang matukoy agad ng publiko kung saan nakarehistro ang motorsiklo. Lahat ng bagong bili o mga 2nd hand ay kinakailangan irehistro sa loob ng dalawang araw at lahat ng detalye ay nakapaloob sa iisang computer data bank ng ahensiya.

Kapag ang motor ay ginamit sa krimen o para makaeskapo sa lugar ng krimen o aksidente at nasawi ang biktima, ang parusa ay habambuhay na pagkakakulong. Kapag may “backrider” na kasabwat sa pagkasawi ng biktima, pareho silang mapaparusahan. Sakaling ang plaka o ang motorsiklo ay ninakaw, ang may-ari ay pinagkakalooban ng tatlong araw upang ipaalam ito sa awtoridad. Maraming pamilya ang matutuwa sa bagong inisyatiba mula kay Senador Gordon, dahil isa itong solusyon upang masawata ang lumalalang estado ng peace and order sa larangan ng RIT. Sana maisama sa SB 1397 ang dagdag probisyon tungkol sa “plaka vests” kung saan ang numero sa plaka ay nakatatak din sa likod ng susuoting vest ng driver. Dagdag na alituntunin ito upang mas mabilis mabisto kung may anomalya sa pagitan ng plate number at vest.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Huwag natin kaligtaan na umaakyat din ang bilang ng mga ninanakaw na motorsiklo. Maaari itong isalpak sa Sec. 7 ng bill na ang mga lokal na pamahalaan ang maglalabas ng ordinansa. Subalit ang mga plaka at vest ay dapat magmula sa LTO. Batid ni Senador Gordon ang kailapan ng hustisya dahil ang sarili niyang ama ang mismong nabiktima.